Khonghun Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun

Baste Duterte hinamon na simulan drug testing sa kanyang bakuran

265 Views

HINIMOK ng mga miyembro ng Kamara de Representantes si acting Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na unahin ang kanyang lungsod sa hamon nitong mandatory hair follicle drug testing sa lahat ng halal na opisyal, matapos magpositibo sa drug test ang 37 empleyado ng Davao City government noong nakaraang taon.

“Kung talagang seryoso si Mayor Baste sa laban kontra droga, unahin niya ang Davao. Sa ilalim ng kanyang pamamahala, 37 na ang nahuling gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Imbes na maghamon sa iba, ayusin mo muna ang sarili mong bakuran,” ayon kay Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun.

Ang ulat ay kinumpirma rin ng Davao City Anti-Drug Abuse Council na 37 tauhan mula sa Public Safety and Security Office ng lungsod ang nagpositibo sa isinagawang random drug testing.

“You want to talk about accountability? Then lead by example. Drug testing should begin in Davao City, and the results should be made public. That includes the mayor himself,” ayon pa kay Manila Rep. Joel Chua.

Una ng inihayag ni Duterte ang kanyang panukala sa “Basta Dabawenyo” podcast, kung saan hinimok niya si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na manguna sa panawagan para sa mandatory drug testing ng lahat ng halal na opisyal.

Ginawa ni Duterte ang pahayag matapos kumasa si Philippine National Police Chief Gen. Nicolas Torre III sa hamon nitong suntukan.

Upang mas maging kapaki-pakinabang, sinabi ni Torre na gawin nila itong isang charity event. Sa halip na pumayag, nagtakda ng kondisyon si Duterte na makikipagsuntukan lamang ito kay Torre kung ipaguutos ni Pangulong Marcos na magpapa-hair follicle test ang lahat ng elected officials.

Giit ni Khonghun, hindi dapat gawing biro o palabas ang kampanya laban sa ilegal na droga.

“Ang laban kontra droga ay hindi palabas sa podcast. Hindi ito usapin ng yabangan o suntukan. Buhay ng tao ang nakataya rito,” ayon sa mambabatas.

Binatikos din ni Khonghun ang pamana ng nakaraang administrasyon, na aniya’y nabigong wakasan ang mismong problemang ipinangako nitong lutasin.

“Ginawa ninyong modelo ang Davao sa kampanya kontra droga, pero mismong sa inyo may mga empleyadong napatunayang gumagamit ng ilegal na droga. Saan napunta ang sinasabi ninyong tagumpay?” dagdag pa ng kongresista mula sa Zambales.

Ang tinawag na “giyera kontra droga” ng administrasyong Duterte ay nagresulta sa pagkamatay ng mahigit 30,000 katao, kung saan marami ang sinasabing biktima ng extrajudicial killings na ginawa ng pulis o mga hindi nakilalang armadong suspek.

Dahil dito, nahaharap ngayon si dating Pangulong Rodrigo R. Duterte sa mga kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC), kung saan siya’y kasalukuyang nakakulong at nililitis.

Samantala, pinuri ni Chua si Pangulong Marcos sa mas makatao at makabatayang estratehiya ng kasalukuyang kampanya kontra droga, na nakatuon sa rehabilitasyon at reporma sa mga institusyon.

“President Bongbong Marcos is doing the hard work. He doesn’t need to shout or throw punches to get things done. His approach is saving lives, not just making headlines,” sabi ni Chua.

Hinamon din ni Chua si Baste Duterte na patunayan ang kanyang sinseridad sa pamamagitan ng pagbubukas ng Davao City sa buong transparency at pananagutan.

“Before you throw challenges at the President, take responsibility for your own turf. Drug test your entire city government. Let’s see who passes. Anything less is just noise,” dagdag pa ni Chua.