Sunog

Batang babae, 10, na-trap sa 3rd floor, patay sa sunog; kapatid sugatan

Edd Reyes Oct 18, 2025
359 Views

PATAY ang 10-taong-gulang na batang babae habang dalawa pa ang sugatan sa sunog na sumiklab Biyernes ng gabi sa Pasay City.

Nabigong makalabas ng nasusunog na apartment building ang batang babae nang maiwan sa ikatlong palapag, habang nakatalon naman ang kanyang 13-taong-gulang na kapatid na lalaki sa unang palapag at nagtamo lang ng bahagyang sugat kaya’t ligtas na nakalabas.

Sa ulat ng Pasay City Public Information Office (PIO), nagsimula ang sunog dakong alas-11:07 ng gabi sa 2 Conchita Street, Mendoza Compound, Barangay 127, na umabot sa may 40 kabahayan na karamihan ay gawa sa light materials na nagresulta sa pagkawala ng tirahan ng 76 na pamilya.

Ayon sa ina ng nasawing bata, ang dalawa niyang anak ang naiwan sa inuupahan nilang apartment building dahil nasa trabaho siya nang maganap ang sunog. Nataranta aniya ang anak niyang lalaki at hindi namalayan na hindi nakasunod sa kanya ang kapatid.

Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago nakontrol ng alas-12:33 ng Sabado ng madaling araw, hanggang tuluyang maapula bago mag-ala-1.

Inaalam pa ng arson investigators ng Pasay Bureau of Fire Protection (BFP) ang halaga ng ari-ariang natupok ng apoy, habang may hinala ang imbestigador na sa depekto sa kawad ng kuryente ang dahilan ng sunog.

Pansamantalang nanunuluyan ang 347 indibidwal na nawalan ng tirahan sa Juan Sumulong Elementary School, kung saan sila pinadalhan kaagad ng mga pangunahing pangangailangan ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano.