Calendar
SP ng Maynila pinatawan ng 60-araw na suspensyon konsehal
PINATAWAN ng 60-araw na suspensiyon ng Sangguniang Panlungsod ng Maynila si 4th District Councilor “Kuya” Ryan Ponce dahil sa pagpapamalas umano ng hindi wastong pag-uugali.
Ang inilabas na Resolution No. 393 ng 13th City Council na pinamumunuan ni Vice Mayor Chi Atienza bilang presiding officer Huwebes ng hapon ay bunsod ng privilege speech ni Councilor Eunice Castro noong nakaraang linggo na nag-akusa ng harassment sa kapuwa konsehal.
“Let this serve as a clear signal that this council takes its duties and ethical standards with seriousness and due process. This is also a reminder to everyone that this kind of complaint should not be taken lightly,” pahayag ni VM Atienza matapos isapubliko ang resolusyon.
Nakasaad sa committee report na may kredibilidad ang alegasyon ni Castro kaya’t kahit na humingi na ng paumanhin si Ponce, nararapat pa rin siyang patawan ng parusa sa nagawang pagkakamali dahil bilang opisyal ng pamahalaan, kailangan niyang panagutan ang kanyang ginawa.
Bukod sa suspensiyon, inaprobahan din ng konseho ang pagbabago ng pamumuno ng mga komite upang mapunan ang mababakanteng pamumuno ni Ponce sa kanyang komite.
Ayon kay Councilor Atty. Jaybee Hizon na namuno sa imbestigasyon, inilatag nila ang legal at etikal na basehan sa pagpapataw ng suspensiyon kay Councilor Ponce na ibinatay sa privilege speech ni Councilor Castro.
Tiniyak naman ni VM Atienza na magiging mahigpit ang Konseho sa pagpapatupad ng mataas na pamantayan ng wastong pag-uugali upang mapanatili ang tiwala ng mamamayan.

