Hot News

BEBOT, 21, PINATAY NG PINSANG-BUO DAHIL SA SELOS SA SAN JOSE CITY

Steve A. Gosuico May 29, 2026
89 Views
Patay
Makikita ang bangkay ng babaeng biktima na nakahandusay sa gilid ng irigasyon sa Bgy. Malasin, San Jose City. Makikita rin ang mga miyembro ng SJC police habang nakakordon ang crime scene.
Source: San Jose City PNP

SAN JOSE CITY, Nueva Ecija — Dahil sa selos, patay ang isang 21-anyos na dalaga matapos pukpukin umano sa ulo ng kanyang karelasyong pinsang-buo at iwan ang katawan nito sa gilid ng irigasyon sa lungsod na ito nitong Miyerkules ng madaling araw, ayon sa pulisya.

Bago ang insidente, nag-inuman muna ang biktima, ang 27-anyos na suspek na pinsang-buo, 19-anyos na kasintahan ng biktima at isang pinsang babae edad 18-anyos, ayon kay city police head Lt.Col. Gerald G. Fernandez.

Nalutas umano agad ang krimen, matapos mag-back-tracking sa imbestigasyon at mga kuha sa CCTV ang kapulisan na nagresulta sa pagkatunton sa pinsang suspek na kinilalang si alias Manuel, 27, delivery boy, ng Bgy. Kita-Kita, ng lungsod na ito.

Samantala, kinilala ni Fernandez ang biktima na si alias Cristine, 21, single, jobless, ng Sitio Tuboy, Bgy. Parista, Lupao, Nueva Ecija; kanyang kasintahan na si alias Dexter, 19, helper, ng ASB Habitat, Bgy. Santo Niño 3rdd, San Jose City; at isa pang kasamang babaeng pinsan na si alias Clarisse, 18, ng Bgy. Plaridel, Llanera, Nueva Ecija.

Ayon kay Fernandez, lumabas sa kanilang imbestigasyon na nagtamo ng sugat sa likod ng ulo ang biktima na hinihinalang dulot ng pagpukpok gamit ang matigas na bagay.

Nadiskubre ang bangkay ng biktima ng dalawang mag-ina habang nagja-jogging sa gilid ng irigasyon sa Bgy. Malasin dakong alas dos ng madaling araw nitong Miyerkules.

Dagdag ni Fernandez, umamin ang suspek na magkarelasyon sila ng biktima kahit sila ay magpinsan at selos umano ang dahilan kaya nangyari ang krimen.

Lumabas din sa back-tracking ng CCTV footage, na magka-angkas sa motorsiklo ang suspek at biktima na umalis at nang bumalik ay solo na lang ang suspek at wala na itong sakay sa motor.

Nakakulong na ang suspek at nahaharap sa kasong pagpatay (murder) sa city prosecutor’s office dito.