Calendar
Bebot, 33, pinagbabaril ng 3 kelot sa QC, dedo
DEAD on the spot ang 33-anyos na babae matapos pagbabarilin ng tatlong hindi pa nakikilalang lalaki sa Quezon City nitong Lunes ng madaling araw.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 3:54 ng madaling araw (January 27), nang maganap ang pamamaril sa eskinita sa kanto ng Samawena at Malipaka Sts., sa Brgy. Pasong Putik, sa lungsod.
Sa salaysay ng isang saksi kay P/SSg Camilo Ross J Cunanan, naglalakad siya pauwi nang makita ang biktima na duguang nakahandusay at wala ng buhay.
Agad niyang inireport sa kanilang barangay officials at mga pulis ang insidente.
Sa pagsisiyasat ng CIDU sa CCTV footage sa kalapit na tirahan, lumalabas na bago ang insidente dakong alas-3:13 ng madaling araw, nakatayo sa eskinita ang biktima nang lapitan ng isang lalaking nakasuot ng hoody jacket at short pants.
Nagkaroon sila ng maikling pag-uusap at makalipas ang ilang sandali, paulit-ulit na pinagbabaril ng suspek ang biktima at tumakas ito kasama ang dalawa pang ‘di kilalang kasamahan.
Nabatid na dati nang naaresto ang biktima noong Hunyo 15, 2022, at Marso 25, 2023, dahil sa kasong paglabag sa Section 11, R.A. 9165.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen.