Calendar
BI agents naaresto Canadian na wanted sa kasong may ugnay sa child sex abuse
INARESTO ng mga agents ng Bureau of Immigration (BI) noong Hunyo 9 ang Canadian national na may kasong kaugnay sa child sexual abuse material sa kanyang bansa.
Ipinahayag ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang pagkakaaresto kay Rudolf Hannes Hofer, 77, ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI sa San Carlos City, Pangasinan.
Batay sa rekord, si Hofer ay may dalawang warrant of arrest sa British Columbia, Canada para sa possession ng child sexual abuse material at breach of undertaking.
Lumabas sa imbestigasyon na siya ay nag-overstay sa Pilipinas matapos hindi palawigin ang kanyang pananatili.
“Hindi magiging kanlungan ang Pilipinas para sa mga puganteng nais takasan ang pananagutan sa mabibigat na krimen,” ani Viado.
Bilang bahagi ng aming #Shieldkids campaign, patuloy kaming nakikipagtulungan sa mga international law enforcement partners upang matunton, maaresto, at maalis ang mga dayuhang nagdudulot ng panganib sa kaligtasan ng publiko at kapakanan ng mga mahihinang sektor, lalo na ang mga bata,” sabi ni Viado.
Nakakulong ang Canadian national sa BI facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang isinasagawa ang deportation proceedings.

