Calendar
BI hinarang makaalis ng PH mail-order bride
NAHARANG ng Bureau of Immigration (BI) ang 25-anyos na Pilipina sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 na pinaghihinalaang mail-order bride.
Bahagi ng pinaigting na kampanya ang pagkakaharang sa biktima laban sa human trafficking ng pamahalaan.
Ang babae, na nakatakdang sumakay sa Air China flight patungong Beijing, ini-refer ng mga inspektor sa Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) para sa masusing pagsusuri.
Sinabi ng pasahero na bibisitahin niya ang kanyang asawa na si Wang na nakilala niya online noong 2024.
Napansin ng mga opisyal ng imigrasyon ang maraming hindi tugma sa kanyang mga pahayag at sa mga dokumentong isinumite.
Iniulat ng BI na gumamit siya ng sertipiko ng kasal mula sa Philippine Statistics Authority na may kwestiyonableng detalye.
Inamin din ng babae na wala siyang kaalaman sa mga legal na rekisito ng kasal at ang kanyang tiyahin ang nag-asikaso ng lahat ng papeles kapalit ng bayad na P60,000.
Kinondena ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang naturang tangka at binalaan ang publiko sa panganib ng ganitong mga modus.
Ang babae ay itinurn-over sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang imbestigasyon at tulong.

