Hapon Photo Bureau of Immigration

BI pinadeport 2 Hapon na crime suspek, nagtago sa PH

Jun I Legaspi Oct 17, 2025
297 Views

IPINADEPORT ng Bureau of Immigration (BI) nitong Huwebes ang dalawang Japanese national na naunang naaresto bilang mga pugante sa batas.

Ang deportasyon ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyaking agad na mapapaalis sa bansa ang mga dayuhang may kaso o hinahanap ng batas.

Kinilala ang dalawang ipina-deport na sina Hoshino, 24, at Kunio, 62, na naaresto sa magkahiwalay na operasyon ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI noong Abril at Hunyo.

Naaresto si Hoshino noong Abril 22 sa Las Piñas City matapos iulat ng pamahalaan ng Japan na siya ay isang wanted na kriminal. Iniulat na miyembro siya ng kilalang “Luffy” gang at inaakusahan ng pagnanakaw ng ATM cards at panlilinlang sa mga nakatatanda sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang awtoridad. Sinasabing nagsagawa sila ng pekeng imbestigasyon upang makuha ang mga bank card ng mga biktima.

Samantala, si Aihara ay naaresto noong Hunyo 3 batay sa impormasyon mula sa mga awtoridad ng Japan na siya ay wanted sa Tokyo dahil sa kasong robbery resulting in injury, alinsunod sa Japanese Penal Code. Inaakusahan siyang nakipagsabwatan upang looban at saktan ang isang biktima tatlong dekada na ang nakalipas. Tinangay umano ng grupo ang pitaka ng biktima na may lamang humigit-kumulang 700,000 yen. Ang pananakit ay nagdulot ng matinding pinsala na umabot sa ilang linggong gamutan.

Ang dalawa ay ipina-deport sakay ng Japan Airlines patungong Tokyo noong umaga ng Oktubre 16. Isinama na rin ang kanilang mga pangalan sa blacklist ng BI, na nagbabawal sa kanilang muling pagpasok sa bansa.

Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang FSU sa matagumpay nitong koordinasyon sa mga awtoridad ng Japan, at binigyang-diin na ang operasyon ay patunay ng determinasyon ng pamahalaan na pangalagaan ang pambansang seguridad at ipatupad ang batas.

“Mananatili kaming tapat sa direktiba ng Pangulo na alisin sa bansa ang mga dayuhang pugante,” ani Viado. “Patuloy ang Bureau of Immigration sa pakikipagtulungan sa mga international counterparts upang matiyak na hindi magiging kanlungan ng mga kriminal ang Pilipinas.”