Romualdo Camiguin Governor Xavier Jesus “XJ” Romualdo

Bigas na mas mura ng 50% inilunsad sa Camiguin

481 Views

ISANG inisyatiba sa ilalim ng Bagong Pilipinas agenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nagpapakita ng positibong resulta, matapos itong makapagbenta ng bigas sa presyo na mas mababa ng 50 porsiyento sa mga mahihirap na pamilya.

Ang Para sa Bayan Bigas na Mura (PBBM) program, na dating tinatawag na AKAP Rice, ay isinagawa sa Camiguin mula Disyembre 14, 2024, hanggang Marso 23, 2025, katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng pamumuno ni Governor Xavier Jesus “XJ” Romualdo.

Iprinesinta ni Romualdo ang ulat kaugnay ng naging implementasyon ng programa noong Huwebes sa isang coordination meeting na ginanap sa Camiguin Provincial Capitol kung saan dumalo ang mga kinatawan mula sa tanggapan ni Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez, 52 iba pang miyembro ng 20th Congress, at mga opisyal ng DSWD.

Kasama sa dumalo sina Representatives Maria Carmen Zamora (1st District, Davao de Oro), De Carlo “Oyo” Uy (1st District, Davao del Norte) at Nelson “JR” Dayanghirang Jr. (1st District, Davao Oriental), at Mayor Manuel JayR Zamora ng Monkayo.

Nagpasalamat si Romualdo kay Romualdez, ang Speaker ng 19th Congress, sa mahalagang papel nito upang mailunsad ang pilot implementation ng programa, ngunit binigyang-diin din niya na ang programa ay sumasalamin sa mas malawak na bisyon ni Pangulong Marcos para sa seguridad sa pagkain at inklusibong pag-unlad.

“This initiative is rooted in the President’s call for a Bagong Pilipinas—one that delivers for the people,” ani Romualdo. “Speaker Martin Romualdez deserves our thanks for championing this cause and convincing us to use Camiguin as the pilot area. His support helped bring the President’s vision to life on the ground.”

Mga mahahalagang resulta ng pilot implementation sa Camiguin:

– Pagbaba ng presyo: Naibenta ang bigas sa average na subsidized price na P27.80 kada kilo—mula sa dating presyo na higit P60.

– Mataas na coverage: 25,615 sa 25,655 rehistradong mamamayan ang na-endorso bilang benepisyaryo, o 99.7 porsiyentong coverage.

– Tinatangkilik: Umabot sa 33,762 ang total redemptions, may average na dalawang transaksyon bawat benepisyaryo.

– Epektibong paggamit ng badyet: P18.58 milyon sa P20 milyon (93 porsiyento) ang nagamit nang epektibo.

– Retail footprint: Pitong accredited rice retailers ang lumahok sa 16 na lokasyon.

– Subsidy bawat pamilya: Bawat benepisyaryo ay tumanggap ng P750 na subsidy, katumbas ng 50 porsiyentong diskwento para sa hanggang 25 kilo ng bigas.

Sa ilalim ng PBBM program, maaaring bumili ng bigas ang mga benepisyaryo mula sa accredited retailers sa halagang mas mababa ng 50 porsiyento at ang DSWD naman ang sumasagot sa natitirang 50 porsiyento sa pamamagitan ng digital wallets.

Malaya ang benepisyaryo na pumili ng klase at dami ng bigas, habang mino-monitor ng LGUs at mga ahensya ang mga transaksyon ng real-time at tinitiyak ang mabilis na reimbursement sa mga tindero.

Sa susunod na yugto ng PBBM rollout, bibigyang-prayoridad ang paggamit ng lokal na ani upang suportahan ang mga Pilipinong magsasaka at alisin ang mga mapagsamantalang middlemen.

Kasalukuyang pinaplano ang akreditasyon ng mga irrigators’ associations at farmer cooperatives bilang opisyal na rice retailers upang sila mismo ang mag-supply ng bigas sa programa.

Layunin ng hakbang na ito na masigurong hindi lamang ang mga konsyumer ang makikinabang sa PBBM program kundi pati ang mga haligi ng agrikultura sa bansa.

Pinuri naman ni Romualdez ang kahalagahan na magkaroon ng konsultasyon upang mas maging epektibo ang pagpapatupad ng programa.

“This is not just about lowering prices. It’s about empowering local farmers, removing abusive intermediaries, and building a food system that works for everyone. That’s what Bagong Pilipinas means,” ani Romualdez.

Ang PBBM initiative ay bahagi ng pangako ni Pangulong Marcos na labanan ang gutom, patatagin ang presyo ng pagkain, at mamuhunan sa pangmatagalang reporma sa agrikultura.

Dahil sa tagumpay ng pilot implementation sa Camiguin, nakikipagtulungan na ang DSWD, Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) sa Kongreso para sa paghahanda ng pambansang pagpapatupad, na susuportahan sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act.