Scam Source: BI

BIKTIMA UMURONG SA SCAM HUB, BINLACKMAIL

Jun I Legaspi Oct 31, 2025
241 Views

Tinakot na ituloy ang biyahe sa Cambodia kundi lagot kaibigan niya

NA-INTERCEPT ng Bureau of Immigration (BI) ang panibagong grupo ng mga pasaherong pinaniniwalaang biktima ng human trafficking at ilegal na pagre-recruit patungong Cambodia, kabilang ang isa na umaming siya ay kinutya at tinakot upang ituloy ang kanyang biyahe kapalit ng kaligtasan ng kanyang kaibigan.

Batay sa ulat ng Travel Control and Enforcement Unit ng BI, dalawang lalaking pasahero na may edad 25-anyos at 37-anyos ang naharang noong Oktubre 29 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 bago makasakay sa isang AirAsia flight patungong Don Mueang, Thailand.

Ang mga lalaki ay may dalang pekeng employment documents at kalaunan ay umamin na sila ay patungo sa Cambodia upang magtrabaho bilang customer service representatives para sa isang online na kumpanya.

Isa sa kanila ang umamin na una niyang tinanggihan ang alok ngunit kalaunan ay napilitang sumang-ayon matapos sabihing mapapahamak ang kanyang kaibigan sa Cambodia kung hindi siya tutuloy.

Dahil sa takot para sa kaligtasan ng kanyang kaibigan, pumayag siyang bumiyahe at inutusan ng kanyang recruiter na magpanggap bilang turista patungong Thailand.

Mariing kinondena ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang insidente, at binigyang-diin na ginagamit na ngayon ng mga trafficker ang emosyonal na manipulasyon at sikolohikal na pang-aabuso kahit bago pa man makaalis ang kanilang mga biktima.

“Walang puso ang mga sindikatong ito. Sinasamantala nila ang takot at relasyon ng kanilang mga biktima upang mapilitang sumunod,” ani Viado.

“Nakababahala na nagsisimula na ang pagsasamantala bago pa man sila makalabas ng bansa. Ipinapakita nito kung gaano kaagaran dapat ang ating mga anti-trafficking efforts,” dagdag niya.

Ang mga pasahero ay itinurn over sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa tulong at masusing imbestigasyon.

Iniulat din ng BI ang mga kahalintulad na insidente nitong mga nakaraang araw, kung saan ang mga biyahero ay nagpapanggap na turista ngunit kalaunan ay umaaming sila ay ni-recruit upang magtrabaho sa Cambodia.

Noong Oktubre 29, dalawang lalaking pasahero na patungong Hong Kong sakay ng Cebu Pacific flight 5J110 ang naharang matapos magprisinta ng pekeng employment documents. Inamin nilang sila ay ni-recruit online para sa umano’y trabaho sa Cambodia na may pangakong sahod na USD 900 kada buwan.

Kinabukasan, Oktubre 30, dalawang babaeng pasahero na may edad 30-anyos at 32-anyos ang naharang din bago makasakay sa parehong flight patungong Hong Kong.

Inamin nilang ang tunay nilang destinasyon ay Cambodia, kung saan sila ay pinangakuan ng trabaho bilang chat support na may sahod na P60,000 kada buwan.

Muling nagbabala si Viado sa publiko laban sa online job offers na nag-aalok ng labis na mataas na sahod sa ibang bansa, at iginiit na nananatiling kilalang destinasyon ng human trafficking para sa mga scam operations ang Cambodia.

“Huwag ninyong isugal ang inyong buhay at kaligtasan para sa mga alok na tila napakaganda upang maging totoo,” aniya. “Gumagamit ang mga kriminal na ito ng panlilinlang, pananakot, at pamimilit. Patuloy na kikilos ang Bureau of Immigration, katuwang ang IACAT at iba pa nating law enforcement partners, upang pigilan ang mga sindikatong ito at protektahan ang mga Pilipino laban sa pananamantala,” dagdag pa niya.