Calendar
BOC chief ininspeksyon nasabat na P199.7M shabu, kush sa bodega sa Pasay
PINANGUNAHAN ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel Nepomuceno ang inspeksiyon sa mahigit P199.7 milyon na halaga ng shabu at high-grade marijuana na nasabat sa bodega sa Pasay City.
Ang kargamento, binubuo ng 15 kahon mula Canada, ay na-flag ng BOC X-ray Inspection Project (XIP) matapos makakita ng kahina-hinalang imahe sa X-ray screening.
Dahil dito, naglabas ng Alert Order at isinagawa ang 100% physical examination ng mga kahon kaya natuklasan ang 28,324 na gramo ng hinihinalang shabu na nakalagay sa 28 lata at tinatayang nagkakahalaga ng P192.603 milyon, 4,746 gramo ng kush na nagkakahalaga ng P7.119 milyon at 20 tuwalya at 20 duvet na pinaghihinalaang may lamang liquid methamphetamine.
Ang mga sample mula sa shabu, high-grade marijuana, at liquid methamphetamine ay isinailalim sa laboratory examination ng PDEA at nagpositibo sa methamphetamine hydrochloride at cannabis.
Isinagawa ang operasyon ng PDEA, Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF), Enforcement and Security Service (ESS), XIP, NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), at iba pang kaugnay na ahensya.
Binigyang-diin ni Commissioner Nepomuceno ang kahalagahan ng intelligence-driven profiling, makabagong X-ray screening, at matibay na inter-agency coordination:
“Hindi natin hahayaang gawing daan ang ating mga paliparan para sa pagpasok ng illegal drugs.
With better technology, sharper intelligence, and strong coordination with our partner agencies, mas napapalakas natin ang ating kakayahang matukoy at mapigilan ang mga ganitong shipment bago pa makarating sa ating mga komunidad,” aniya.

