Shabu

P1M shabu nakuha sa MC ride hailing rider sa Taguig

Edd Reyes Sep 15, 2026
144 Views

KULONG ang motorcycle ride hailing rider nang makuhanan ng mahigit P1 milyong halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya Lunes ng gabi sa Taguig City.

Inaresto ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor si alyas “Bag”, 45, na bago lamang sa listahan ng mga High-Value Individual (HVI), makaraang bentahan ng shabu ang pulis na nakatalaga sa District Drug Enforcement Unit (DDEU) na nagpanggap na buyer.

Ayon kay BGen. Pastor, ilang araw ding tiniktikan ng kanyang mga tauhan ang ilegal na aktibidad ng suspek bago pumayag na makipag-transaksiyon sa inaakalang buyer dakong alas-10:30 ng gabi sa Mindanao Avenue, Barangay Maharlika Village.

Umabot sa 150 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,020,000 at gamit niyang mobile phone ang nakumpiska ng pulisya kay alyas Bag na mahaharap sa reklamong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng R.A. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Taguig City Prosecutor’s Office.