Calendar
Driver, 54, hinuli sa QC sa pagnenok ng 3 mahal na relo
ARESTADO ang isang 54-anyos na driver na umano’y tumangay sa tatlong mamahaling relo, kabilang ang isang Patek Philippe, matapos iwan ang sasakyan na naglalaman ng mga ito sa Quezon City.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Sar,” residente ng Sampaloc, Manila.
Batay sa ulat, naganap ang insidente noong Setyembre 10 nang magtungo ang suspek at isang alyas “Lee,” kapwa empleyado ng isang korporasyon, sa bahay ng kliyente sa Fairview upang maghatid ng anim na mamahaling relo para sa isang transaksiyon.
Saglit umanong bumaba ng sasakyan si Lee para bumili ng office supplies, ngunit agad umanong pinaandar ng suspek ang sasakyan at tinangay ang mga natitirang mamahaling relo.
Kalaunan ay naispatan ang tinangay na sasakyan sa parking area ng Jollibee sa Quirino Highway corner Regalado Avenue, Barangay Greater Lagro.
Agad na nagsumbong si Lee sa Pasong Putik Police Station (PS 16) dakong alas-9 ng gabi, na sinundan ng follow-up operation at pagbalik-tanaw sa mga CCTV footage sa lugar. Ini-refer ang kaso sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) para sa karagdagang imbestigasyon.
Sa pagsusuri ng CCTV, nakita ang suspek na iniwan ang sasakyan at sumakay sa pampasaherong jeep patungong Novaliches Bayan.
Nadakip ang suspek sa isang follow-up operation ng CIDU, dakong alas-4:08 ng hapon noong Setyembre 12 sa Ibarra Street, Sampaloc, Manila.
Narekober sa kaniya ang isang Patek Philippe wristwatch na pinaniniwalaang kabilang sa mga ninakaw, blue polo barong, gray slacks, pares ng itim na leather shoes at isang gray Euro 155 motorcycle.
Inihahanda na ang kasong qualified theft laban sa suspek na ihahain sa Quezon City Prosecutor’s Office. Patuloy naman ang paghahanap sa iba pang nawawalang relo.
Pinuri ni QCPD Acting District Director PBGEN Christopher Olazo ang mabilis at sistematikong pagkilos ng mga operatiba, mula sa agarang pagtugon at pagsusuri ng CCTV hanggang sa tuloy-tuloy na follow-up operation na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

