Calendar
BPLO sa LGUs hangad ni Sen. Win
GUSTO ni Sen. Win Gatchalian na magkaroon ng sariling Business Permit and Licensing Office (BPLO) ang mga local government units (LGUs) upang makatulong sa paghikayat ng mga mamumuhunan.
“Sa pamamagitan ng pagtatatag ng BPLO sa bawat LGU, gumagawa tayo ng one-stop shop para sa mga transaksyong may kinalaman sa negosyo na nakakabawas sa pasanin ng mga mamumuhunan.
Mas magiging accessible at sistematiko din ang mga serbisyo sa gobyerno kung mayroon nito. Akma ito sa diwa ng Ease of Doing Business Act, na naglatag ng batayan para sa mahusay na paghahatid ng serbisyo,” sabi ni Sen. Gatchalian, co-author ng Senate Bill 1278 o ang BPLO Act.
Ang panukala naglalayong matiyak na ang bawat lungsod at munisipalidad sa bansa may nakalaang BPLO na magbibigay-daan din sa mga LGU na makapaglingkod sa kanilang mga nasasakupan ng mas maayos at epektibo.
“Kailangang maging handa ang mga LGU upang tumugon kaagad sa mga pangangailangan ng mga mamumuhunan lalo na sa mga maliliit na negosyo upang makatulong na magkaroon ng mga oportunidad sa trabaho para sa ating mga kababayan at patibayin ang paglago ng ekonomiya,” sabi ng senador.