Villanueva

Bro. Eddie nananawagan ng total ban ng online gambling

Mar Rodriguez Jul 21, 2025
297 Views

MULING iginigiit ni Citizen’s Battle Against Corruption (CIBAC) Party List Representative Eduardo “Bro. Eddie” C. Villanueva ang panawagan nito para sa “total ban” ng online gambling sa ating bansa sa gitna ng lumalaking perwisyong idinudulot nito.

Ang panawagan ni Bro. Eddie ay kasunod ng pahayag ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na kinokonsidera nito ang pagpapatupad ng total ban subalit bukas din ito sa pagpapataw ng karagdagang buwis sa online gambling.

Dahil dito, pinasalamatan ni Villanueva, founder ng Jesus-Is-Lord (JIL), si Pangulong Marcos, Jr. dahil sa naging pagkilala nito sa sentimyento at karaingan ng buong mamamayan kaugnay sa problemang idinudulot ng online gambling.

“We thank the President for acknowledging the nationwide clamor. This is a defining moment to put people over profit, we reiterate our call for a total ban on online gambling,” wika ni Villanueva.

Pagbibigay diin pa ni Bro. Eddie na ang online gambling ay mistulang isang tahimik na epidemiya sa ating lipunan sapagkat unti-unti umano nitong sinisira ang pagkatao ng bawat tumataya dito sa pamamagitan ng sobrang pagkalulong dito.

“Online gambling has become a silent epidemic in our nation. It’s no longer hidden in corners. It’s on our phones, public transport and social media feeds. Every click is a potential ruin especially for the poor and youth,” dagdag pa ni Bro. Eddie.

Ipinaliwanag pa ng kongresista na bagama’t ipinahayag na ng PAGCOR na binubuwisan na nila ang online gambling.

Subalit para kay Villanueva, ang buwis na ipinapataw ng gobyerno sa online gaming ay hindi kayang pigilan ang malaking epekto na naidudulot nito para sa mga mananaya na unti-unting nawawasak ang buhay bunsod ng pagkalulong sa nasabing sugal.