Catapang BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr.

BuCor itinutulak madoble medical allowance ng PDLs

283 Views

ITINUTULAK ng Bureau of Corrections (BuCor) na madoble ang medical allowance ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) mula ₱15 hanggang ₱30 bawat PDL bawat araw.

Ipinahayag ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang apelang ito kay Senador Sherwin Gatchalian, na siya ring chairman ng Senate Committee on Finance, sa ginanap na pagdinig hinggil sa panukalang 2026 budget ng Department of Justice (DOJ) at mga attached agencies nito noong nakaraang Martes.

Muling iginiit ni Catapang ang pangangailangan na itaas ang medical allowance ng mga PDL, at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapabuti sa mga serbisyong pangkalusugan sa loob ng mga correctional facility.

Binanggit din ni Catapang kay Gatchalian na kanilang isinusulong ang isang panukalang batas sa medical parole na naglalayong magtatag ng isang sistemang magbibigay ng medical parole para sa mga matatanda (70 taong gulang pataas) at mga may malubhang karamdaman na PDL, batay sa makataong konsiderasyon at mga best practices sa ibang bansa.

Ayon kay Catapang, ang mga matatandang PDL na may malalang karamdaman ay limitado na ang kakayahang alagaan ang kanilang sarili at hindi na nagdudulot ng malaking panganib sa seguridad ng publiko.

Paliwanag pa niya, ang panukalang batas na ito ay makatutulong hindi lamang sa pagsisikap ng BuCor na maibsan ang siksikan sa mga bilangguan at penal farms sa buong bansa, kundi magpapagaan din ng pasanin sa sistemang pangbilangguan at, kasabay nito, kikilala at tutugon sa mga batayang karapatang pantao ng ilan sa mga pinaka-mahihinang sektor ng lipunan.