Calendar
Bus operator na sangkot sa banggaan inisyuhan ng SCO ng LTFRB
NAGLABAS ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng show cause order (SCO) laban sa operator ng bus na sangkot sa banggaan sa España Boulevard, Manila noong Setyembre 11 na ikinasawi ng isa at ikinasugat ng siyam na iba pa.
Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg Pua Jr., inatasan ang Viofel Transport Inc. na ipaliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o kanselahin ang Certificate of Public Convenience (CPC) nito kaugnay ng insidenteng naganap sa tapat ng University of Santo Tomas (UST).
Dalawang alegasyon ang iimbestigahan ng LTFRB: ang pahayag ng driver na nawalan ng preno ang bus at ang pahayag ng mga saksi na mabilis ang takbo nito bago ang insidente.
“Parehong paglabag ito sa mga kondisyon ng CPC. Ang una ay kaugnay ng hindi pagtiyak sa roadworthiness ng PUV, habang ang ikalawa ay ang pagtatalaga ng reckless driver,” ani Acting Chairman Pua.
Itinakda sa Setyembre 17 ang pagdinig, kung saan inaasahang ihaharap ng operator ang mga kinakailangang maintenance at roadworthiness records ng sangkot na PUV.
Makikipag-ugnayan din ang LTFRB sa iba pang ahensya para sa mga kinakailangang pagsusuri upang matukoy kung ang driver ay nasa impluwensya ng anumang substance nang mangyari ang insidente.
Inatasan din ni Acting Chairman Pua ang Regional Franchising and Regulatory Office (RFRO) ng National Capital Region na tiyaking agad na maibigay ang insurance benefits ng mga biktima.
Nakalaan ang P400,000 para sa bawat nasawi at P100,000 para sa bawat nasugatan sa insidenteng kinasasangkutan ng PUV.
Pinaalalahanan ni Pua ang mga PUV operator na tiyaking roadworthy ang lahat ng kanilang unit at laging nasa maayos na pisikal at mental na kondisyon ang kanilang mga driver.

