Rider

Rider, angkas umiwas na sa checkpoint, may dala pang boga

Edd Reyes Sep 13, 2026
154 Views

KULONG ang sinapit ng rider at armadong angkas na nagtangkang takasan ang “Oplan Sita” ng mga pulis noong Linggo sa Las Piñas City.

Hinabol ng mga tauhan ng Traffic Management and Road Safety Unit (TMRU) ng Las Piñas Police ang dalawang sakay ng Yamaha Mio hanggang ma-korner at nahuli sa Marcos Alvarez St., Brgy. Talon 5.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor, pinara ng mga pulis ang magkaangkas alas-12:50 ng hatinggabi subalit sa halip na huminto ay mabilis na tumakas palayo sa lugar.

Nakumpiska sa angkas na si alyas Rayan, 20, ang hindi lisensiyado at walang dokumentong kalibre 38 pistol at limang bala.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act si alyas Ryan habang resistance and disobedience to a person in authority naman ang isasampa labay kay alyas Francis na nagmamaneho ng motorsiklo.