Calendar
Pugante ilang ulit minanyak menor de edad sa Las Pinas
KULONG ang 41-anyos na pugante na ilang ulit umano minanyak ang menor-de-edad na “Nene” nang masakote ng pulisya Linggo ng bago mag-tanghali sa Las Piñas City.
Sinimulang tugisin ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor si alyas “Jofred” nang maglabas ng warrant of arrest laban sa kanya ang Presiding Judge ng Paranaque City Family Court Branch 10 noong Agosto 17, 2026 para sa mga kasong pitong bilang na Statutory Acts of Lasciviousness at paglabag sa R.A. 7610 o the Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Dakong alas-11:30 ng tanghali nang lumusob ang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section ng Parañaque City Police sa bahay ng akusado kung saan siya nadakip matapos matanggap ang impormasyon na muli siyang namamataang bumabalik sa kanyang tirahan.
Ayon kay SPD Public Information Office (PIO) head P/Capt. Margaret Panaga, naglaan ang hukuman ng piyansang P180,000 sa kada bilang ng kasong Statutory Acts of Lasciviousness laban sa akusado na may kabuuang P1,260,000 para sa pitong bilang at P80,000 naman para sa kasong paglabag sa R.A. 7610.
Pansamantalang nakapiit sa Custodial Facility ng Paranaque Police Station si alyas Jofred habang hinihintay ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

