Isko

Buwanang quake drills iniutos ni Mayor Isko sa mga public schools, HS, PLM, UdM

Edd Reyes Jun 11, 2026
101 Views

INATASAN ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang mga pampublikong elementarya, high school at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at Universidad de Manila (UdM) na magsagawa ng buwanang pagsasanay sa paghahanda sa lindol ngayon pasukan.

Nakasaad ito sa ipinasang resolusyon ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Council (MCDRRMC) matapos ang pulong noong Miyerkules.

“If we create some level of muscle memory for our students, especially yung mga bagong mag-aaral kailangan lang maging pamilyar sila na merong ganung activity every month,” pahayag ni Mayor Isko.

Nilinaw din niya na hindi naman kailangang isagawa ng sabay-sabay sa lahat ng 104 na pampublikong paaralan ang pagsasanay kundi bahala na ang mga paaralan na pumili ng araw sa loob ng isang buwan basta’t isagawa ito sa oras ng klase.

Bibigyan nila ng kopya ng resolusyon si Manila Schools Division Superintendent Dr. Sheryll Gayola para sa gabay at implementasyon.

Patuloy ang inspeksiyon sa mga lumang gusali ng mga paaralan at istraktura ng gobyerno na nagsimula noon pang Lunes kung saan isusumite ang ulat kay Manila CDRRM Department chief Arnel Angeles para sa pagsusuri.