Castro Palace Press Officer Claire Castro

Castro: May kinatatakutan ba si VP Sara na mabunyag sa imbestigasyon ng ICI?

292 Views

BINALIKAN ng Malacañang si Pangalawang Pangulong Sara Z. Duterte noong Sabado matapos kuwestiyunin ang pagbuo ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), na tila nag-aalala siya sa maaaring kalabasan ng imbestigasyon sa mga proyekto sa flood control.

Sa isang statement, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na nakalulungkot na may mga opisyal ng gobyerno tulad ni Duterte na nagdududa sa pagbuo ng ICI, na may tungkuling imbestigahan ang mga umano’y iregularidad sa mga proyekto sa flood control.

“Ang tanong: may kinatatakutan ba siyang mabunyag sa ginagawang pag-iimbestiga kaya pilit niyang sinisiraan ang integridad ng ICI?” sinabi ni Castro.

Inisyu ang statement matapos kuwestiyunin ni Duterte ang pagbuo sa ICI, na sinabing ang imbestigasyon sa flood control projects ay maaaring isinagawa sana internally ng Office of the President (OP).

Sinabi ni Duterte na maaaring gamitin ng OP ang confidential funds nito upang tugunan ang mga isyu sa flood control, nang hindi na kailangang magtatag ng hiwalay na komisyon.

Ipinahayag ni Castro ang panghihinayang na pinili ni Duterte na huwag makibahagi sa nation-building, at iginiit na ang ganitong pagdududa ay nakahahadlang sa pagsisikap ng pamahalaan na tugunan ang korapsyon at iregularidad.

“Kaawa-awa ang taong naturingang public servant, puro haka-haka lang ang sinasabi para makapanira sa gobyerno,” aniya.

“Ano ba ang alam ng Bise Presidente sa pag-present ng mga tunay na ebidensiya at hindi mga peke at gawa-gawa lang? Ang mga tahi-tahi niyang kuwento ay walang halaga. Hindi na dapat intindihan pa,” dagdag pa ni Castro.

Pinanindigan din ni Castro ang kredibilidad ng mga miyembro ng ICI, at binigyang-diin na wala ni isa sa kanila ang politiko at sila ay mga eksperto sa kani-kanilang larangan at kilala sa kanilang integridad. Philippine News Agency