Cavite PNP titiyakin ligtas na Undas

Dennis Abrina Oct 27, 2025
401 Views

IMUS CITY, CAVITE— Bilang bahagi ng pagpapatupad ng “Ligtas Undas 2025” operational plan ng Philippine National Police, nakahanda na ang Cavite Police Provincial Office sa ilalim ng pamumuno ni Police Colonel Ariel Red, Acting Provincial Director, upang tiyakin ang maayos, ligtas, at mapayapang paggunita ng Undas ngayong taon.

Batay sa datos, tinatayang 451,300 katao ang inaasahang dadalaw sa iba’t ibang sementeryo sa buong lalawigan ng Cavite mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4, 2025. Sa kabuuan, mayroong 116 sementeryo (54 pampubliko at 62 pribado) at 5 columbarium na babantayan ng mga pulis sa buong lalawigan.

Upang mapanatili ang seguridad, nagtalaga ang Cavite PPO ng 117 Police Assistance Desks (PADs) at 23 Motorist Assistance Centers (MACs), bukod pa sa 19 Blue Teams na magsasagawa ng mahigpit na pagbabantay at pagpapatrulya.

Sa kabuuang 2,422 personnel na ide-deploy, 1,250 dito ay mga PNP personnel, 176 ay augmented units, at 996 naman ay mga force multipliers mula sa iba’t ibang grupo at organisasyon.

Ang deployment ay nakatuon sa iba’t ibang lugar at tungkulin, kabilang dito ang 311 personnel na itatalaga sa Police Assistance Desks (PADs), 68 sa Motorist Assistance Centers (MACs), 189 bilang roving personnel, 200 traffic marshals sa mga pangunahing lansangan, 191 personnel para sa Checkpoint o Oplan Sita, 87 para sa firewall operations, 34 personnel sa mga transport terminals, at 167 personnel sa mga lugar ng pagtitipon o places of convergence, kabilang ang 3 personnel mula sa PNP support units.

Bilang katuwang sa operasyon, kabuuang 996 Force Multipliers ang makikilahok sa Ligtas Undas 2025 deployment. Kabilang dito ang Barangay Tanod na magsisiguro ng kaayusan sa mga sementeryo at paligid ng barangay; BPATs (Barangay Peacekeeping Action Teams) na tutulong sa crowd control at information assistance; Traffic Enforcers para sa pamamahala ng daloy ng sasakyan; Security Guards na tutulong sa pagbabantay sa mga pribadong sementeryo at establisimyento; Radio Groups na magsisilbing komunikasyon support sa mga police assistance centers; at Volunteer Organizations kabilang ang mga civic at faith-based groups na boluntaryong tutulong sa mga bisita.

Ayon kay PCOL RED, “Ang ating layunin ay hindi lamang ang magkaroon ng ligtas at maayos na Undas, kundi pati na rin ang mapanatili ang kapayapaan at disiplina sa bawat mamamayan. Tulong-tulong po tayong maging mapagmatyag at responsable para sa kaligtasan ng ating pamilya at komunidad.”

Dagdag pa nito, ang tagumpay ng Ligtas Undas 2025 ay nakasalalay sa bayanihan ng bawat mamamayan, katuwang ng mga kapulisan at lokal na pamahalaan, upang matiyak na ang paggunita ng Undas sa buong lalawigan ng Cavite ay magiging ligtas, maayos, at makabuluhan.