Cheska

Chezka Centeno pinarangalan sa Senado

332 Views

PORMAL na pinuri ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada si Filipina billiards champion Chezka “The Flash” Centeno matapos nitong tanghaling kampeon sa 2025 World Pool Association (WPA) Women’s World 10-Ball Championship na ginanap sa Bali, Indonesia.

Sa inihaing resolusyon sa Senado, binigyang-diin ni Estrada ang pambihirang tagumpay ng 26-anyos na atleta mula Zamboanga City, na tinawag niyang “isang karangalang muli para sa bansa at isang natatanging tagumpay para sa mga babaeng atletang Pilipina.” Tinalo ni Centeno ang 64 pinakamagagaling na cue artist sa buong mundo, kabilang ang kababayang si Rubilen Amit sa isang all-Filipino final.

“Centeno’s triumph is another proud moment for the nation,” pahayag ni Estrada sa Senate Resolution No. 159. Pinuri niya ang “kagila-gilalas na ipinakitang sportsmanship at kahanga-hangang performance” ni Centeno, na aniya’y nagdala ng malaking karangalan para sa bansa.

Si Centeno ang ikalawang Pilipina na nakasungkit ng world title sa WPA 10-Ball Women’s Championship, kasunod ni Amit na dalawang beses nang naging kampeon noong 2009 at 2013. Nauna nang napanalunan ni Centeno ang parehong titulo noong 2023.

Ayon kay Estrada, nagsimula si Centeno sa larong billiards sa edad na lima. Sa edad na 11 ay lumaban na siya sa Philippine National Games, at sa edad na 12 ay nakasali na sa Kremlin Cup sa Russia—isang patunay ng kanyang disiplina at galing na humubog sa kanyang internasyonal na tagumpay.

Binanggit din ng senador ang mental toughness at consistency ni Centeno sa torneo sa Bali, kung saan tinalo niya ang defending champion na si Kristina Tkach ng Russia.

Maliban sa 2025 world title, nakamit na rin ni Centeno ang silver medal sa World Games sa Chengdu, China at apat na gintong medalya mula sa Southeast Asian Games. Noong Oktubre 15, 2025, ika-pito siya sa world rankings ng WPA.

“Centeno’s victory is not just a personal milestone but a proud moment for every Filipino,” ani Estrada. “Ang kanyang tiyaga, talento, at integridad sa larangan ng sports ay salamin ng pinakamainam sa ating mga atleta at inspirasyon sa mga kabataang nangangarap na magtagumpay sa buong mundo.”

Sa huli, tiniyak ni Estrada ang patuloy na suporta ng Senado sa mga atletang Pilipino, lalo na sa mga babaeng patuloy na nagpapamalas ng galing sa pandaigdigang entablado. “The Flash has once again proven that Filipino women can rise, compete, and win with integrity, courage, and heart,” dagdag pa niya.