Ridon Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon House of Representatives photo

Chief ng LTO, BOC dapat ipaliwanag issue ng hot cars ng mga Discaya sa ICI – Ridon

369 Views
Discaya
Curlee at Sarah Discaya
Senate of the Philippines photo

HINILING ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na ipatawag si Land Transportation Office (LTO) Chief Vigor Mendoza II at Customs Commissioner Ariel Nepomuceno kaugnay ng umano’y mga hot cars ng kontrobersyal na mag-asawang kontratista na sina Curlee at Sarah Discaya.

“ICI should invite BOC (Bureau of Customs) and LTO heads to shed light on the Discaya vehicles,” pahayag ni Ridon sa gitna ng mga ulat ukol sa umano’y pagmamay-ari ng mag-asawang Discaya ng ilang mamahaling sasakyan.

Kanyang binigyang-diin ang kahalagahan na matukoy ng ICI kung may pananagutan ang dalawang ahensya sa pagpasok ng mga umano’y hot cars.

“Both BOC and LTO’s liability should be determined by the ICI as to how these vehicles were able to be imported, registered and used in the country,” ani Ridon, na overall chairman ng House infrastructure committee at chairman ng House committee on public accounts.

Ginawa ni Ridon ang panawagan isang araw matapos niyang himukin ang komisyong itinatag ng Palasyo na magsagawa ng mas masusing imbestigasyon, kasunod ng mga rebelasyon ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng malawakang iskandalo ng korapsiyon sa mga proyekto sa flood control.

Nanatiling sentral na mga personalidad sa kontrobersiya ang mag-asawang Discaya, na yumanig sa administrasyon ni Pangulong Marcos.

Noong nakaraang linggo, lumabas ang mga ulat na ilang mamahaling sasakyan ang nakumpiska mula sa parking area ng St. Gerrard Construction sa Pasig City at dinala sa BOC sa Maynila.

Ang St. Gerrard ay isa sa mga construction firm na pag-aari ng pamilya Discaya.

Ayon sa BOC, walo sa mga sasakyan “were imported without any corresponding entry,” kaya’t itinuturing na “smuggled and subject to the issuance of Warrants of Seizure and Detention.”

Ang komite ni Ridon ang nanguna sa dalawang pagdinig kaugnay ng iskandalo sa flood control projects, bago ipinasa ng House of Representatives ang findings nito sa ICI.