Chinese militia vessel, muntik bumangga sa barko ng PCG sa Panata Island

73 Views

Muntik nang magkaroon ng banggaan sa pagitan ng isang Chinese Maritime Militia Vessel (CMMV) at barko ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos magsagawa ng mapanganib na maniobra ang sasakyang-pandagat ng China sa karagatan malapit sa Panata Island sa Kalayaan Island Group (KIG) noong Nobyembre 23, 2026.

Ayon sa PCG, naganap ang insidente habang pinaaalis ng BRP Cabra (MRRV-4409) ang dalawang Chinese militia vessel na ilegal na nakadaong sa loob ng 12-nautical-mile territorial sea ng Panata Island. Nasa layong 5.1 at 5.2 nautical miles mula sa isla ang dalawang barko.

Matapos sitahin sa radyo, umalis sa pagkakadapo ang CMMV 11086 ngunit sa halip na lumayo ay direktang nagtungo sa kanang likurang bahagi ng BRP Cabra sa bilis na tinatayang 10 knots. Umabot sa 200 yarda ang lapit nito kaya napilitang magsagawa ng evasive maneuver ang barko ng PCG upang maiwasan ang posibleng banggaan.

Tinangka rin umano ng naturang Chinese vessel na lapitan ang rigid-hull inflatable boat (RHIB) na lulan ang walong tauhan ng PCG, ngunit ligtas na nakaiwas ang mga ito. Walang naiulat na nasugatan o napinsala sa insidente.

Kalaunan, lumayo sa Panata Island ang dalawang Chinese militia vessel. Namataan din sa lugar ang isang barko ng China Coast Guard na may bow number 4109. Patuloy namang minomonitor ng BRP Cabra ang kanilang galaw.

Binigyang-diin ng PCG na taliwas sa normal na kilos ng isang sasakyang-pangisda ang naturang maniobra at paglabag ito sa 1972 Convention on the International Regulations for Preventing Collisions at Sea (COLREGS).

Ayon pa sa ahensiya, unang pagkakataon itong nagsagawa ng ganitong mapanganib na maniobra ang isang Chinese maritime militia vessel laban sa barko at RHIB ng PCG sa katubigan ng Kota at Panata Islands. Gayunman, iginiit ng PCG na magpapatuloy ang pagbabantay at presensiya nito sa Kalayaan Island Group.