Calendar
Larawan: PAGASA/FB
LPA namataan, maaaring hindi maging bagyo
HINDI inaasahang maging tropical depression ang namataang Low Pressure Area (LPA 11b) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa susunod na 24 oras, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes, Nobyembre 26, 2026.
Batay sa abiso ng PAGASA, namataan ang LPA bandang 8:00 ng umaga sa layong 455 kilometro timog-kanluran ng Pag-asa Island, Kalayaan, Palawan. Pinayuhan naman ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga susunod na abiso ng ahensiya.
Samantala, inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Cagayan dahil sa shear line, gayundin sa Palawan dahil sa trough ng LPA at Eastern Visayas dahil sa easterlies. Posible ang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na makararanas ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.
Uulan din sa Batanes dahil sa northeast monsoon, habang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated rainshowers o thunderstorms ang inaasahan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa.
Nagbabala rin ang PAGASA sa katamtaman hanggang malalakas na hangin at katamtaman hanggang maalong karagatan sa Northern Luzon at silangang bahagi ng Central Luzon, Southern Luzon at Visayas. Pinapayuhan ang mga mangingisda at maliliit na sasakyang-pandagat na mag-ingat sa paglalayag.
