Ocampo COA state auditor Xylene Del Campo Kuha ni JOSEPH MUEGO

COA AUDITOR: OVP GINAMIT CONFI FUNDS SA MGA AKTIBIDAD NA HINDI PINAHIHINTULUTAN

22 Views

AYON sa state auditor ng Commission on Audit (COA) na si Xylene Del Campo, ginamit umano ng Office of the Vice President (OVP) ang confidential funds para sa mga Christmas activity, pamimigay ng regalo, tree planting, medical mission, at iba pang aktibidad na hindi pinahihintulutan sa ilalim ng Joint Circular No. 2015-01.

Inilahad ni Del Campo ang pahayag nitong Martes sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Kabilang sa mga aktibidad na nakalista sa mga dokumento ng OVP ang Christmas activity sa Happy Land, Tondo, thanksgiving at meeting kasama ang mga tricycle operator, tree planting, pamamahagi ng wheelchair, gift-giving, at medical missions.

Nang tanungin ng prosecution counsel na si Atty. Lorna Kapunan kung pinahihintulutan ang mga naturang aktibidad bilang paggamit ng confidential funds, malinaw ang sagot ng auditor:

“Hindi po.”

May nakita rin umanong problema sa mga petsa ng gastusin. Ilan sa mga aktibidad ay isinagawa mula Disyembre 13 hanggang 18, 2022, habang ang cash advance ng OVP ay para lamang sa panahon mula Disyembre 21 hanggang 31.

Ayon kay Del Campo, hindi maaaring gamitin ang pondong inilabas noong Disyembre 21 para bayaran o i-reimburse ang mga gastusing naganap bago ang petsang iyon.

Dahil sa mga natuklasan sa audit, naglabas ang COA ng Notice of Disallowance na nagkakahalaga ng P73.287 milyon.

Sa halagang ito, P69.787 milyon umano ang may kaugnayan sa mga reward, habang P3.5 milyon naman ang para sa mga mesa, upuan, desktop computer, at printer na siningil sa confidential fund nang walang sapat na patunay na ang mga ito ay para sa confidential operations.

Kinuwestiyon ng OVP ang disallowance, ngunit ayon kay Del Campo, pinagtibay ng COA Commission Proper ang buong P73.287-milyong disallowance sa desisyon nito noong Abril 10, 2026.

Ang testimonya ni Del Campo ay bahagi ng ebidensiyang iniharap ng House prosecution panel sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds. Nina RYAN PONCE PACPACO & PS JUN M. SARMIENTO