Tulfo1

Constantino: ₱125M cash ng OVP inilabas sa LandBank gamit 3-4 na gym bag, walang armored vehicle

Mar Rodriguez Jul 29, 2026
145 Views

ISINILID sa tatlo hanggang apat na gym bag ang ₱125 milyong cash withdrawal ng Office of the Vice President (OVP) at inilabas mula sa Land Bank of the Philippines (LandBank) Shaw Boulevard Branch nang walang armored vehicle, ayon sa testimonya ng retiradong branch manager na si Violeta Constantino sa Senate Impeachment Court nitong Miyerkules.

Nagpatuloy ang pagdinig ng impeachment trial kaugnay ng umano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyon sa confidential funds.

Sa pagtatanong ni Senator-judge Raffy Tulfo, inusisa si Constantino kung paano dinala ni dating OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta ang napakalaking halaga ng salapi matapos niyang ma-encash ang tseke ng OVP.

“Duffle bag, gym bag?” tanong ni Tulfo habang inaalam ang uri at dami ng mga bag na ginamit.

Una nang sinabi ni Constantino na ang pera ay inilagay sa tatlo hanggang apat na gym bag, dahilan upang hilingin ni Tulfo na maging mas tiyak ang kanyang sagot.

“Sa pagkakaalala ko po, ito po ay isang malaking, mahabang bag na parang dini-describe ko nga po as…” ani Constantino.

“Gym bag po. Iba po kasi ‘yung duffle bag sa bangko. Mga three to four bags nga po,” dagdag niya.

Muli siyang tinanong ni Tulfo tungkol sa laki ng mga bag.

“So gym bag, gaano kalaki? Isang dipa?” tanong ng senador.

“Mahaba po,” tugon ni Constantino.

“Baka nagkakamali kayo? Dapat precise po kayo,” sabi naman ni Tulfo.

Sa kanyang testimonya, sinabi ni Constantino na inilagay ang pera sa mga gym bag at gumamit ang sangay ng trolley upang mailipat ang mga ito. Aniya, may ilang taong kasama si Acosta nang ilabas ang salapi mula sa bangko.

Binigyang-diin din ni Tulfo ang tinatayang bigat ng naturang halaga ng pera. Batay sa kanyang pagtataya na ang ₱1 milyon sa perang papel ay tumitimbang ng humigit-kumulang isang kilo, sinabi niyang ang ₱125 milyon ay maaaring may bigat na nasa 125 kilo.

Dahil dito, tinanong niya kung posible bang mabuhat ni Acosta ang ganoong kabigat na salapi nang walang malaking tulong mula sa iba.

Batay sa mga naunang testimonya, nagsagawa ang Office of the Vice President ng apat na magkakahiwalay na cash withdrawal na tig-₱125 milyon sa pamamagitan ni Acosta mula Disyembre 2022 hanggang Hulyo 2023 na umabot sa kabuuang ₱500 milyon. Nauna nang sinabi ni Constantino na personal niyang pinangasiwaan ang bawat isa sa mga transaksyong ito.

Nang tanungin kung naglaan ang LandBank ng armored vehicle para sa pagdadala ng naturang halaga ng cash, tahasang sumagot si Constantino:

“Hindi po. Wala po kasi kaming memorandum of agreement regarding sa services, cash services or cash delivery.”