Baboy

DA ipinagbawal pagpasok ng baboy galing Spain

Cory Martinez Dec 7, 2025
280 Views

IPINAGBAWAL muna ng Department of Agriculture (DA) ang pag-angkat ng baboy mula sa Spain dahil sa outbreak ng African Swine Fever (ASF) sa naturang bansa.

Sa utos ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., kabilang sa importation ban ang buhay na baboy, karne, balat at semilya nito na ginagamit sa artificial insemination.

Batay sa report ng mga veterinary official ng Spain sa World Organization for Animal Health noong Nob. 28, kinumpirma nila ang mga kaso ng ASF sa mga wild pig sa Sabadel, Valles Occidental sa Barcelona.

Ipinaliwanag ni Tiu Laurel na nararapat ang ban upang maiwasan ang pagpasok ng ASF virus at maprotektahan ang kalusugan ng mga lokal at wild pig sa bansa.

“All sanitary and phytosanitary permits for hog imports from Spain have been “automatically revoked,” sabi ni Tiu Laurel.

Papapasukin naman sa mga pantalan ang mga frozen pork product na prinoduce bago ang Nob. 11 at naisakay na o in transit na ang mga ito pero hindi na papayagan makapasok ang mga shipment pagkatapos ng Nob. 11 at ipapabalik sa Spain.

Tiniyak ni Tiu Laurel na may sapat na suplay ng baboy para sa Christmas season. “Cold storages are full,” ani Tiu Laurel.