DA

DA sa goat, sheep herders: Bantayan mabuti alaga n’yo

Cory Martinez Dec 7, 2025
303 Views

PINAALALAHANAN ng Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry (DA–BAI) ang mga nag-aalaga at nagnenegosyo ng kambing at tupa na alagaang mabuti ang mga hayop upang hindi mahawaan ng sakit na Peste des Petits Ruminants (PPR) at maiwasan sa pagpasok nito sa bansa.

Sa advisory ng DA-BAI, iniulat ang lumalaganap na kaso ng PPR sa Southeast Asia kayat pinag-iingat ang mga nag-aalaga ng mga naturang hayop upang manatiling PPR-free ang Pilipinas.

Nakakahawa ang sakit na PPR na nakakaapekto sa kambing at tupa.

Nagdudulot ito ng lagnat, pagmumuta at sipon, pagsusugat ng bibig, pulmonya, malubhang pagtatae at sa maraming pagkakataon, namamatay ang hayop.

Hindi ito nakakahawa sa tao ngunit malaki ang epekto sa kabuhayan ng mga nag-aalaga.

Pinaalalahanan din ng ahensiya ang lahat na maging mas maingat sa pagdadala o pagbili ng kambing, tupa o anumang kaugnay na produkto mula sa mga bansang may naiulat na kaso.

Hinihikayat din ang mga nag-aalaga ng hayop na panatilihing maayos at mapatibay ang biosecurity sa farm.

“Kung may mapansing kambing o tupa na may lagnat, sugat sa bibig, mata na laging basa, hirap sa paghinga o biglaang pagkamatay, i-report ito sa pinakamalapit na Provincial, City or Municipal Veterinary/Agriculture Office,” payo pa ng ahensya.

Minomonitor ng DA–BAI ang kondisyon ng animal health sa rehiyon katuwang ang World Organisation for Animal Health (WOAH) at nananatiling mahigpit ang surveillance, border control at emergency preparedness ng bansa.