Calendar
DA nanawagan ng suporta sa cold storage infra
NANAWAGAN si Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. sa isang cold chain group na suportahan ang pagsisikap ng ahensya na mapabilis ang pagpapaunlad sa cold storage infrastructure na pangunahing bahagi ng food security agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Giawa ni Tiu Laurel ang panawagan sa Cold Chain Association of the Philippines (CCAP) sa ginanap na taunang membership meeting ng CCAP sa Malay, Aklan kamakailan.
“Ito ang pundasyon para sa pagbabagong anyo ng agrikultura, mabawasan ang lugi pagkatapos ng anihan, mapataas ang kita ng mga magsasaka at mangingisda at ligtas na maihatid ang mataas na kalidad ng pagkain sa pamilyang Pilipino,” ani Tiu Laurel.
Ayon kay Tiu Laurel, binilisan ng DA ang cold-chain expansion sa pamamagitan ng inilunsad na modular at mega cold storage warehouses (CSWs) sa mga pangunahing agricultural regions.
Nilikha ang mga mega CSWs upang pangasiwaan ang malalaking volume storage, na ang kapasidad ay naglalaro sa 1,700 hanggang 8,000 pallet positions, at nagsisilbing pangunahing production at distribution hubs sa buong bansa.
Upang suportahan ang komprehensibong logistics ecosystem, nakapaloob sa imprastraktura ang refrigerated vans, dryers, tramlines, packaging equipment at ice plants.
Naglaan din ang DA ng P3 billion upang magtayo simula ngayong taon ng tinatayang 99 cold storage facilities na layuning mapahaba ang shelf life ng mga prutas, gulay at iba pang high-value na mga pananim.
Itatampok sa mga planong refrigerated warehouses ang hybrid systems na dinisenyo upang mag-operate sa parehong renewable energy sources tulad ng solar, at wind at elektrisidad mula sa pangunahing power grid.
Ang hakbang na ito ang titiyak para sa mas episyente at environmentally sustainable operations lalo na sa mga liblib o hindi masyadong napagtutuunang lugar ng agrikultura.
Bukod sa pagpapalakas sa storage capacity, sinabi ng kalihim na makakatulong ang network ng mga pasilidad upang mapalakas ang pangkalahatan , mapabilis ang distribusyon, at mapahusay ang market access na ikukunekta ng direkta ang mga producer sa consumers upang mapatatag ang supply at maibaba ang presyo ng pagkain.
Binigyang-diin din ni Tiu Laurel ang importansya ng mga ganitong pamumuhunan upang mapalakas ang mga komunidad sa mga kanayunan, maitaguyod ang matatag na presyo, at mabawasan ang pagsasayang sa pagkain, habang binubuo ang mas matatag at climate-smart na agri-food system.
