Caravan

Daan-daang Pinoy sa Dubai nakinabang sa Serbisyo Caravan

285 Views

DAAN-DAANG Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho sa United Arab Emirates (UAE) ang nakinabang sa mga serbisyong inialok ng mahigit 10 ahensya ng pamahalaan ng Pilipinas sa ilalim ng Serbisyo Caravan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ginanap Agosto 3, ang Serbisyo Caravan sa Exhibition Hall 8 ng Dubai World Trade Center, isang lokasyong madaling puntahan sa pamamagitan ng Dubai Metro Red Line.

Kabilang sa mga ahensya ng gobyerno ng Pilipinas na nagbigay ng kanilang serbisyo ay ang Social Security System (SSS), Pag-IBIG Fund (Home Development Mutual Fund), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), at ang Public Attorney’s Office (PAO).

Kasama rin sa Caravan ang Philippine Consulate General.

Unang inilunsad ni First Lady Marie Louise Araneta-Marcos ang Serbisyo Caravan sa Riyadh, Saudi Arabia noong Hulyo 18 upang bigyan ng direktang akses ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa iba’t ibang serbisyong pampamahalaan gaya ng tulong legal, pinansyal, at payong pangkapakanan, sa pamamagitan ng isang one-stop platform.

Nagpaabot rin ng tulong ang Filipino Social Club sa Dubai Caravan sa pamamagitan ng pag-deploy ng mga boluntaryo mula sa kanilang mga miyembrong organisasyon.

Nandoon din ang mga opisyal at board members ng club upang tumulong sa maayos na daloy ng programa.

Ang susunod na Serbisyo Caravan ay gaganapin sa Saudi Arabia sa Agosto 8 sa Jeddah at sa Agosto 15 sa Al Khobar. PCO