Combat

Dagdag pondo sa scholarships ng mga anak ng combatants makakapagpabuti sa kapayapaan sa PH

325 Views

IPINAHAYAG ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang kanyang suporta sa panukalang dagdagan ang pondo para sa scholarships ng mga anak ng combatants upang makatulong sa pagpapabuti ng sitwasyon ng kapayapaan sa bansa.

Sa pagdinig ng 2026 budget ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) na pinamunuan ni Dela Rosa bilang chairperson ng Senate Committee on Finance Subcommittee E, iminungkahi ni Senador Loren Legarda ang karagdagang pondo upang mapataas ang ₱50,000 kada taon na natatanggap ng bawat estudyante at madagdagan ang bilang ng mga benepisyaryo.

Ibinahagi ni Dela Rosa ang kanyang karanasan bilang full scholar sa Mindanao State University (MSU)-Marawi bago siya pumasok sa Philippine Military Academy noong 1982. “Yung aming allowance is P300 a month, ang laking bagay na yun sa panahon na yun… Maka grocery pa ako doon sa Davao City. Makabili ako ng isang lata ng biscuit, yung Rebisco isang lata, bibilhin ko yan doon sa Gaisano… grabe na yung smile ng mga kapatid kong nagsalubong sa akin dahil ang laki eh, isang lata ng biscuit yung dala dala ko dahil iskolar ako ng MSU,” aniya.

Dagdag pa niya, normal noon ang kaguluhan sa paligid habang nag-aaral. “Sabi ko bahala na sige gyera doon… Nag aaral kami, gyera ang army at saka MNLF, dapa kami sa dorm, pagkatapos ng putukan, papasok na ako sa eskwelahan… ang pantalon ko puro butas butas na tinamaan ng bala,” aniya. Iginiit niyang hindi lang mga anak ng rebeldeng Muslim ang dapat makinabang kundi pati mga Kristiyano, Lumad, at iba pang komunidad sa Mindanao, Palawan, at kahit sa Maynila. “Ang daming makikinabang nito… kaya Chairman (Gatchalian) pakinggan mo yung aming kuwan, dagdagan din natin,” sabi niya.

Iminungkahi rin ni Legarda na gawing saklaw ang lahat ng anak ng combatants at hiniling kay OPAPRU Secretary Carlito Galvez Jr. na isumite ang revised computation. “Just to summarize and make sure we understand, we will ask for the list of scholarships in all state universities and LGU colleges in the BARMM region… You’ll submit it to the chair and he committed to fully fund the scholarship program of 50 thousand (pesos) per student per year,” wika niya.

Sumang-ayon si Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng Committee on Finance. “Maganda yun, kasi they are thinking po of the future eh. Kaya, I agree with Senator Loren… imagine, in exchange for peace is education. So, we need to fund that,” aniya.

Binigyang-diin ni Dela Rosa na hindi kalabisan ang dagdag pondo. “Alam mo, isang ghost flood control project lang yan ng Bulacan, tanggalin natin, ilagay natin sa OPAPRU. Isang flood control project lang yan,” aniya.

Sang-ayon din si Legarda: “We can’t go wrong with scholarship. Narinig ko sa hearing kanina mina-mark up daw ng DPWH, hindi lang ng Bulacan, nationwide, 30% ang mga projects… yung kinakaltas na 30% eh di ilagay natin sa scholarships. Ito walang 30% na kaltas sigurado.”