Sanggol

Dalagita, 17, dinampot sa pagbenta ng P55K online isang buwang sanggol

168 Views

NASA kustodiya ng pulisya ang isang 17-anyos na dalagita matapos umanong ibenta online ang kanyang isang buwang gulang na sanggol na lalaki kapalit ng ₱55,000 sa isang entrapment operation sa Quezon City.

Ayon sa report una umanong humingi ng ₱50,000 ang menor de edad na ina para sa sanggol ngunit kalaunan ay itinaas ito sa ₱55,000.

Sinabi ni P/BGen. Maria Sheila Portento, acting chief ng Philippine National Police–Women and Children Protection Center (PNP-WCPC), na lumalabas sa imbestigasyon na matagal nang pinaplano ng dalagita ang pagbebenta ng bata kahit buntis pa lamang siya.

“Base sa validation ng team, malinaw na pinaghandaan na niya ang pagbebenta ng sanggol,” pahayag ni Portento sa isang panayam.

Isiniwalat din na kaya umano napilitan ang dalagita na ibenta ang sariling anak ay dahil tinanggihan siya ng kanyang pamilya. Menor de edad umano ang ina at 18-anyos lamang ang ama ng bata.

Dagdag pa ng WCPC, balak umano ng dalagita na gamitin ang makukuhang pera para sa kanyang tuition upang maipagpatuloy ang pag-aaral.

Napag-alaman din na may nakakausap na potensyal na adopter sa Japan ang suspek, dahilan upang agad magsagawa ng operasyon ang mga awtoridad.

Maaaring maharap ang dalagita sa mga kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act at Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Sa ngayon, ang 17-anyos na ina ay nasa ilalim ng protective custody bilang Child in Conflict with the Law (CICL) at isinailalim sa pangangalaga ng Quezon City Social Services Development Department (SSDD) para sa psychosocial support, intervention, at posibleng diversion proceedings.

Samantala, ang nasagip na sanggol ay isinailalim na rin sa kustodiya ng SSDD-Quezon City para sa agarang medical check-up at masigurong ligtas at maayos ang kanyang kalagayan.