Isko

Maynila maga-update ng bills sa paghakot ng basura

Edd Reyes Jan 8, 2026
250 Views

MAG-a-update na ang Maynila ng bayarin sa pangongolekta ng basura sa mga establisimyento pati sa pagtataas sa mga ari-arian.

Ayon kay Mayor Isko Moreno Domagoso, kinakailangan ng baguhin ang paniningil sa kinokolektang basura sa mga establisyemento na noong pang 2013 hindi napapalitan.

Nilinaw ni City Treasurer Atty. Paul Vega na hindi kabilang ang mga kabahayan sa sinisingil na garbage fee ng lokal na pamahalaan at tanging mga commercial at sektor ng industriya ang sakop ng ipinasang Ordinance 9151 ng Sangguniang Panlungsod.

Sinabi naman ni City Legal Officer Atty. Luch Gempis, Jr. na inabisuhan na sila ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na idiretso na sa New San Mateo Sanitary Landfill sa Rizal ang nakokolektang basura sa Maynila na nagresulta sa mas mataas na gastusin sa hauling at transportasyon.

Kaugnay naman sa pagtataas ng real property valuation at assessment schedules, sinabi ni Gempis na nakabatay ito sa RA 12001 na isang national law na nag-aatas sa mga lokal na pamahalaan na mag-update ng market value ng ari-arian tuwing ikatlong taon upang tumugma sa kasalukuyang market conditions.

Upang mapagaan naman ang epekto nito sa mga nagmamay-ari ng lupa sa Maynila, gagawing dalawang yugto ang pagtataas ng bayarin.