Calendar
Batangas Rep. Leandro Leviste
DBCC bukas sa panukala ni Leviste na ilipat pondo mula flood control patungong edukasyon
SA pagdinig ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) nitong Lunes, iminungkahi ni House Committee on Appropriations Vice Chairman Leandro Legarda Leviste na ilaan ang malaking bahagi ng pondo para sa mga proyektong flood control upang matugunan ang kakulangan ng humigit-kumulang 165,000 silid-aralan, batay sa pagtataya ng Department of Education (DepEd).
Binanggit ni Leviste na, “Ipinahiwatig na ng Pangulo na ang mga flood control project ay posibleng pagmulan ng katiwalian, at nasa mahigit ₱250 bilyon ang inilaang pondo para rito sa 2026 National Expenditure Program (NEP), habang nasa ₱13 bilyon lamang ang inilaan para sa pagtatayo ng mga bagong silid-aralan.”
Humiling si Leviste ng suporta mula sa DBCC kung sakaling magpasya ang Kamara na ilipat ang malaking bahagi ng ₱250 bilyon na pondo ng flood control patungo sa pagpapataas ng ₱13 bilyong alokasyon para sa pagtatayo ng mga bagong silid-aralan.
Malugod naman itong tinanggap ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary at DBCC Chairperson Amenah Pangandaman, na nagsabing:
“Ang ehekutibo ang nagmumungkahi ng badyet, at nasa Kongreso na ang pagpapasya kung makabubuting bawasan ang pondo ng flood control at ilipat ito sa edukasyon.
Bukas kami sa ganitong panukala dahil sa totoo lang, ang tema ng ating badyet sa susunod na taon ay ang pagpapalakas ng ating pamumuhunan at paggasta para sa edukasyon.”
Dagdag pa ni Pangandaman:
“Hangga’t kayang magamit nang buo ng Department of Education ang karagdagang pondo para sa pagtatayo ng mga silid-aralan, ayos lang iyon.”
Nahalal bilang kinatawan ng unang distrito ng Batangas noong Mayo 2025, masinsinang iniimbestigahan ni Leviste ang mga proyekto ng flood control at iba pang imprastruktura na napinsala ng mga bagyo, katuwang ang mga inhenyerong tumuklas na maraming proyekto ay substandard.
Isa na rito ang Binambang riverbank protection project ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Balayan, Batangas, na nasira ng Bagyong Kristine, kasama ang Binambang Bridge noong Oktubre 2024.
Noong Disyembre 2024, si Leviste mismo ang gumastos para sa pagkukumpuni ng nasabing tulay—walang ginamit na pondo ng gobyerno.
Ayon kay Leviste:
“Base sa nakita naming substandard at overpriced na mga proyekto ng DPWH, ang pagbibigay-tugon sa kakulangan ng silid-aralan ng DepEd ay mas makatuwirang paggagamitan ng pondo ng bayan kaysa sa flood control projects ng DPWH sa 2026 budget.”

