Gabby

‘Dear Heart’ concert nina Sharon at Gabby, muling binuo ang pagkatao ni KC

Eugene Asis Oct 28, 2023
334 Views

Gabby Gabby GabbyTULAD ng inaasahan, naging malaking tagumpay ang ‘Dear Heart’ concert ng dating mag-asawang Sharon Cuneta at Gabby Concepcion na ginanap sa SM Mall of Asia arena nitong Biyernes, Oktubre 27.

Sold out ang naturang concert, na isa ring paglalakbay pabalik sa panahon nina Sharon at Gabby, mula sa kanilang unang tambalan sa pelikulang ‘Dear Heart’ ng Sining Silangan na dinirek ni Danny Zialcita hanggang sa kanilang biglaang pagpapakasal at kalaunan ay paghihiwalay. Naging malaking bahagi ng kuwento ang kanilang nag-iisang anak na si Maria Kassandra Cristina or KC na naging narrator ng una’t huling bahagi ng concert.

Bagama’t wala sa unang plano, pagkatapos ng mga pagbabalik tanaw, pagpapakilig nina Sharon at Gabby, at mga awiting naging bahagi ng kanilang buhay, sinundo ng huli si KC mula sa audience upang makasama nila sa stage.

Sa puntong ito, naging emosyonal ang lahat lalo na nang sabihin ni KC na tila nangangarap lamang siya dahil sa matagal na niyang hangad na magkasama-sama silang tatlo kahit man lang sa ganitong pagkakataon. Hindi napigilan ni Sharon ang mapahagulhol, mula sa pagkakayakap kay KC at paulit-ulit nilang pagsasabi ng ‘I love you’ sa isa’t isa hanggang sa pagkalas nito sa anak para tumalikod at ipagpatuloy ang pag-iyak. Hinayaan na lamang ni Gabby na magpatuloy ang ganitong sitwasyon sa mag-ina, pero mabilis ito para bigyan ng tissue si Sharon o siya mismo ang nagpapahid ng luha ng dating asawa.

“O bati na kayo ha?'” hindi mapigilang bulalas ni Gabby, na sinalo naman ni Sharon na: “Hindi naman kami nag-aaway. Maliit na tampuhan lang.”

Bagama’t may mga nagsasabing malaki talaga ang naging away ng mag-ina, marami ang naghahangad na sana’y ang naganap sa concert ang maging daan upang tuluyan nang maghilom kung anumang sugat ang nalikha sa pagitan ng mag-ina.

Gayundin, marami rin ang nagdadasal na sana, hindi lamang dahil sa kagustuhan ng kanilang mga tagahanga, maging lubos na maayos ang damdamin ni Sharon sa mga hindi magagandang nagdaan sa kanila ni Gabby, at sa kung anumang sakit ang idinulot nito sa kanya. Kilala sa pagiging emosyonal si Sharon at hindi mabilis na makalimot sa mga nagdaan.

Sa mas positibong pangyayari, marami ang nakapansin na nagbalik na ang ganda ni Sharon, gayundin ang tamang timbang bilang isang celebrity. Gayundin, mahusay niyang nairaos ang mga awitin (na karamihan ay Tagalog) at marami ang nagsasabi, hindi lang ang kanilang mga tagahanga na tunay ngang tunog inspirado ang kanyang boses nang gabing ‘yun.

Sa kabilang banda, pinatunayan din ni Gabby na kahit sinasabi niyang mas mahusay siya bilang aktor kaysa bilang singer, talagang may ibubuga siya sa pagkanta, isang talento na nagamit niya sa Amerika sa loob ng 13 taon na pamamalagi roon.

Ang gabi ng ‘Dear Heart’ concert nina Sharon at Gabby ay masasabing kanilang kanila, pero naging gabi rin ito ni KC na tila muling nabuo ang pagkatao na ilang taon ding matatawag na ‘broken’. Nalubos ang pagkabuo ng katauhan ni KC dahil bukas na sa publiko ang kanyang buhay pag-ibig. Kasama niya nang gabing yun ang sinasabing bago niyang boyfriend na isang Swiss-Filipino banker-vlogger si Steve Michael Wuetrich (na biro ni Sharon ay apelyidong hindi niya ma-pronounce).

Kumanta si KC ng dalawang awitin kasama ang mga magulang bago ito bumalik sa upuan upang patuloy na i-enjoy ang panonood sa mga magulang ‘yon. Natapos ang gabi na masaya at emosyonal ang lahat.

Dahil dito, balitang dadalhin ito ng producer sa ibang bansa tulad ng Amerika, Canada, Dubai at iba pa.

Pero bago ito, magkakaroon ng din ng VIP Night ang ‘Dear Heart’ sa Okada Manila sa October 30 at sa November 17 sa NUStar sa Cebu City, hatid ng InLife.

At kung magpapatuloy ang muling pagsasamang ito sa isang pelikula naman, tiyak na aabangan ito ng marami.