Pic Sa magkahiwalay na sinumpaang salaysay, itinanggi nina Mark B. Bunagan (kaliwa) ng Taguig at Allan P. Colesio (kaliwa) ang pahayag ni Orly Regala Guteza, na kamakailan ay humarap sa Senate Blue Ribbon Committee.

Delivery ng male-maletang cash, pinabulaanan

464 Views

MARIING pinabulaanan ng dalawang personal assistant ng Ako Bicol Party-list ang alegasyon na sila’y sangkot sa umano’y pagdadala ng mga maletang puno ng salapi, kaugnay ng imbestigasyon ng Senado sa kontrobersyal na flood-control projects.

Sa magkahiwalay na sinumpaang salaysay, itinanggi nina Mark B. Bunagan ng Taguig at Allan P. Colesio ang pahayag ni Orly Regala Guteza, na kamakailan ay humarap sa Senate Blue Ribbon Committee.

Ayon kay Guteza, kasama umano siya sa mga naghatid ng malaking halaga ng pera sa iba’t ibang tirahan ni Ako Bicol Rep. Zaldy Co at dating House Speaker Martin Romualdez. Binanggit niya rin ang pangalan ng ilang kasama sa trabaho tulad ni Bunagan at Colesio.

Ani Bunagan, hindi totoo ang alegasyon na siya’y kinuha bilang security consultant ni Co noong Disyembre 2024.

Aniya, “Ang totoo, nagkasama lang kami (ni Guteza) bilang personal assistants ng ibang miyembro ng pamilya ni Congressman Co mula Pebrero 1, 2025 hanggang Agosto 2025, nang siya’y tumigil sa trabaho.” Kinumpirma rin ito ni Colesio.

Dagdag pa nila, wala silang natandaang pagkakataon na nakasaksi o nakisangkot sa umano’y pagdadala ng mga maleta ng pera.

“Sa buong panahon na kami’y magkasama sa trabaho, wala akong natatandaan, naririnig o nababasa ukol sa umano’y pagdadala ng male-maletang pera sa iba’t ibang lugar. Wala rin ni isang pagkakataon na kami ay nagdala o pinagdala ng maleta ng pera sa anumang lugar lalo na sa 56th Floor ng Horizon Residences, Taguig City at 42 Mckinley St., Taguig City, tulad ng sinasabi ni Orly Regala Guteza,” diin ng dalawa.

Dagdag pa nila, hindi umano sila pinilit o binayaran para gumawa ng salaysay, at handa silang tumestigo sa Senado o korte upang patunayan ang kanilang panig.