Martin Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

DepEd, DOTr pinuri ni Speaker Romualdez sa 50% discount sa mga estudyante

347 Views

PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang inisyatiba ng Department of Education (DepEd) at Department of Transportation (DOTr) na mabigyan ng 50 porsiyentong discount ang mga estudyanteng sumasakay sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT).

Ayon kay Speaker Romualdez, ang inisyatibang ito ay isang konkreto at makabuluhang hakbang na nakapagpapagaan ng pasaning pinansyal ng mga pamilya at nagpapalakas sa whole-of-government approach ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa reporma sa edukasyon.

Nauna nang inihayag ng DepEd na tutulungan nito ang DOTr sa pagpapatupad ng 50 porsiyentong fare discount para sa mga estudyante sa mga linya ng MRT at LRT, upang matiyak na lubusang maipararating sa mga paaralan at mga magulang ang impormasyon tungkol sa benepisyong ito, nang sa gayon ay maramdaman ng mga estudyante—mula sa Metro Manila hanggang sa pinakamalayong rehiyon—ang tunay na suporta ng pamahalaan.

Magtutulungan ang DepEd at DOTr upang iayon ang mga alituntunin at mapalakas ang kaalaman ng publiko hinggil dito.

“Ang mas murang pamasahe sa MRT at LRT ay ginhawa sa bulsa ng mga pamilya na nagsusumikap na makapagtapos ng pag-aaral ang kanilang mga anak at kapatid.

Magagamit pa ng estudyante ang matitipid niya sa iba pang gastusin gaya ng libro at iba pang pangangailangan sa pag-aaral,” sabi ng kinatawan ng unang distrito ng Leyte.

“Ang pagtutulungan ng DepEd at DOTr sa pagpapatupad ng programang ito ay malinaw na halimbawa kung paano nagbubunga ng positibong resulta ang pagkakaisa ng mga ahensya ng gobyerno. Dahil dito, mas maraming estudyante ang makikinabang at mas mapapadali ang kanilang paglalakbay tungo sa edukasyon at magandang kinabukasan,” dagdag pa niya.

Unang inilunsad noong Hunyo 2025, tatakbo ang programa hanggang 2028 at saklaw ang mga estudyante mula kindergarten hanggang graduate school—kabilang ang nasa Alternative Learning System (ALS) at Special Education (SPED)—na magbibigay daan sa mga kwalipikadong estudyante na makagamit ng unlimited discounted rides sa lahat ng linya ng tren sa Metro Manila.

Sa ilalim ng programa, walang daily o monthly limit ang mga estudyanteng kwalipikado upang makuha ang discount. Simula Setyembre, ipakikilala ang mga espesyal na puting Beep card na awtomatikong mag-a-apply ng 50-percent discount sa mga istasyon ng tren upang mabawasan ang oras ng paghihintay.

Pinuri ni Romualdez si Pangulong Marcos para sa kanyang malawak na pananaw sa pag-uugnay ng reporma sa edukasyon at ng mga agarang hakbang para sa pagtitipid.

“Mula sa puso ang malasakit at kalinga ng ating Pangulo para sa ating mga estudyante, pagka’t pangarap niya na ang bawat pamilyang Pilipino ay may nakapagtapos. Ito ang kahulugan ng lingkod-bayan—paghahanap at pagpapatupad ng solusyon para maibsan ang pasanin ng pamilya sa pagpapaaral,” aniya.

Samantala, buong suporta ring ipinahayag ng Speaker ang mga reporma sa edukasyon na inilatag ng Pangulo sa kanyang nakaraang State of the Nation Address (SONA), at hinimok ang DepEd at iba pang ahensya na ipagpatuloy at palawakin ang mga programang direktang nakikinabang ang mga estudyante.

“As public servants, we must go beyond what’s been done—working even harder for our students, who will shape the nation’s future as leaders of change,” aniya.

Tiniyak ni Romualdez na ipagpapatuloy ng House of Representatives ang paggawa ng mga batas at pagsuporta sa panukalang P6.793-trilyong pambansang budget para sa 2026 upang higit pang mapalakas ang sektor ng edukasyon.

“Public funds are meant to serve our people—especially for education, as mandated by the 1987 Constitution. The GAA for next year must be inclusive, proactive, and responsive to our students’ needs, empowering them to lift their families out of poverty,” pagtatapos niya.