Guro Source: ACT Teachers Party List

DepEd hinimok suriin detalye ng pagkamatay ng guro sa Muntinlupa

271 Views

NAGPAHAYAG ng matinding kalungkutan si Senador Sherwin Gatchalian sa pagkamatay ni Teacher Agnes Buenaflor ng Pedro E. Diaz High School sa Muntinlupa City, matapos itong mawalan ng malay habang nasa gitna ng classroom observation.

“Lubos akong nalulungkot sa pagpanaw ni Teacher Agnes Buenaflor ng Pedro E. Diaz High School,” pahayag ni Gatchalian. “Based on reports, she felt dizzy during a classroom observation, lost consciousness, and hit her head on the floor, resulting in her death.”

Batay sa ulat ng Schools Division Office ng Muntinlupa City, isinugod si Buenaflor sa ospital matapos mawalan ng malay ngunit idineklarang dead on arrival. Ang pangyayari ay naganap habang siya ay inoobserbahan bilang bahagi ng regular na ebalwasyon ng mga guro.

Sa pahayag ng Department of Education (DepEd), nagpahatid ito ng pakikiramay sa pamilya at mga kasamahan ng nasabing guro at tiniyak na iniimbestigahan ang insidente.

Muling nanawagan ang mga grupo ng guro, kabilang ang Alliance of Concerned Teachers (ACT), na suriin ang mga patakaran sa classroom observation.

Ayon kay Gatchalian, hindi ito dapat ipagwalang bahala lamang.

“In light of this tragedy, I urge the Department of Education and the school to thoroughly examine the circumstances surrounding the teacher’s collapse and death, including whether workload or working conditions contributed to the incident. I also call for a review of evaluation policies to ensure they are professional, humane, and do not place teachers’ health at risk,” ani Gatchalian.

Nanawagan din ang ACT Teachers group na pansamantalang itigil ng DepEd ang mga classroom observation habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Ayon sa grupo, nakapagdudulot ng matinding stress sa mga guro ang ganitong sistema at dapat itong muling pag-aralan upang mapangalagaan ang kanilang kalusugan.

Wala pang inilalabas na resulta ang DepEd hinggil sa ginagawang imbestigasyon.

Dagdag ni Gatchalian, “I remain committed to pursuing measures such as the Revised Magna Carta for Public School Teachers to improve teachers’ welfare and working conditions.”

Ang insidente ay nag-udyok ng pagkabahala mula sa mga guro at opisyal ng edukasyon, na binigyang-diin ang pangangailangan ng mas ligtas at makataong kondisyon para sa mga guro sa panahon ng ebalwasyon.