Calendar
DMW: 4K-plus OFWs nakabalik na sa PH
MAHIGIT 4,000 overseas Filipino workers (OFWS) na ang napauwi mula sa Gitnang Silangan, ayon sa Department of Migrant Workers, kasabay ng panibagong panawagan ni Sen. Sherwin Gatchalian para sa mas matibay na reintegration support para sa mga nagbabalik na OFWs.
Hinimok ni Gatchalian ang pagpasa sa panukalang Bagong Balikbayan Act at sinabi na dapat mabigyan ang mga nagbabalik na OFW ng malinaw na landas upang makapamuhay ng maayos sa Pilipinas matapos magtrabaho sa abroad.
Ipinaliwanag niya na ang pagsasabatas ng isang komprehensibo at napapanatiling reintegration program ay magtitiyak ng sapat na pondo at mga mekanismo upang masuportahan ang mga OFW may krisis man o wala.
Humihiling ang DMW ng karagdagang P2 bilyon para sa mga OFWs na nangangailangan ng funds.
Sinabi ni Gatchalian na kabilang sa panukalang pangmatagalang reintegration framework ang skills mapping batay sa pangangailangan ng lokal na labor market, mga target na job placement program, low-interest loans, credit guarantees at livelihood grants at tuloy-tuloy na upskilling.
“Ang pagsasabatas ng Bagong Balikbayan Act ay magbibigay ng maayos na transisyon para sa ating mga bagong bayani lalo na sa ganitong panahon ng krisis,” ani Gatchalian.
Layunin ng panukala na maglatag ng mas permanenteng suporta para sa mga OFWs na umuuwi sa bansa, lalo na sa panahon ng mga emergency na pumipilit sa kanila na iwan ang kanilang trabaho at buhay sa ibang bansa.

