DMW

DMW ipinasara ng DMW dahil sa ‘illegal recruitment’ ng OFWs para sa Australia

Jun I Legaspi Sep 25, 2026
227 Views

IPINASARA ng Department of Migrant Workers (DMW) noong Biyernes ang limang kumpanyang iniuugnay sa AUSPHIN Group sa Pasig at Baguio City dahil sa umano’y illegal recruitment ng mga overseas Filipino workers patungong Australia.

Pinangunahan ni Assistant Secretary Jerome Alcantara, kasama ang Migrant Workers Protection Bureau (MWPB), ang pagsasara bilang bahagi ng mga hakbang ng DMW laban sa ilegal na recruitment.

Kabilang sa ipinasara sa Pasig City ang AUSKILLS INC. at VISUME INC./VISUME APP, habang isinara sa Baguio City ang Ausphin International Institute Culinary Arts & Business Management Inc., AUSPHIN Recruitment at AUSPHIN Consultancy.

Ayon sa DMW, kabilang sa iniaalok na trabaho ang chef at cook sa Australia na may ipinapangakong sahod na P200,000 hanggang P250,000 kada buwan.

Umaabot umano sa P95,000 ang processing fee para sa mga aplikanteng may requisite experience, bukod pa sa training at materials fees para sa ilang aplikante.

Pinaalalahanan ng DMW ang mga OFW at iba pang Pilipinong naghahanap ng trabaho sa abroad na tiyaking lisensyado at awtorisado ang kanilang ka-transaksyon at iwasang magbayad ng recruitment-related fees sa mga kumpanyang walang kaukulang lisensya.

“May complainant tayo via email at insider at nagsasagawa tayo ng in-depth investigation.

Nananawagan tayo sa iba pang naging biktima nito in the past na gustong magsampa ng reklamo, narito ang DMW-MWPB para mag-assist,” panawagan ni Alcantara.

Umabot na sa 48 ang kabuuang bilang ng mga establisimyentong ipinasara ng DMW ngayong 2026. Ang iba pang naging biktima na nais magsampa ng reklamo ay maaaring humingi ng tulong sa DMW-MWPB dmwairtip Facebook o mag-email sa airtipinfo@dmw.gov.ph.