Calendar
DMW, OWWA tinulungan 38 OFWs makabalik ng Pilipinas
NAKAUWI na sa Pilipinas ang 38 overseas Filipino workers (OFWs) mula Saudi Arabia noong Nob. 6 sakay ng Qatar Airways Flight QR 928 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Sinalubong ng mga tauhan ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga OFWs katuwang ang medical team ng Manila International Airport Authority (MIAA).
Binigyan sila ng special financial assistance, libreng pagkain, pansamantalang matutuluyan at transportasyon pauwi sa kani-kanilang pamilya.
Ang repatriation ay bahagi ng “Saving Lives” component ng UPLIFT initiative ng pamahalaan alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga OFW at kanilang pamilya sa Gitnang Silangan.
Magpapatuloy ang repatriation assistance ng DMW at OWWA hanggang Nob. 11 at 290 pang OFWs ang inaasahang makauwi sa bansa sa mga susunod na araw.
Para sa mga nangangailangan ng tulong sa repatriation, maaaring makipag-ugnayan sa pinakamalapit na Migrant Workers Office (MWO), Philippine Embassy, o tumawag sa DMW-OWWA 24/7 Hotline na 1348.

