Bus

Permit sa 20 buses para sa LRT 2 aprubado ng LTFRB

Jun I Legaspi Nov 7, 2026
38 Views

LRT 2 aprubado ng LTFRBng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang special permit para sa 20 buses na magsisilbi sa 2 ruta para sa karagdagang transportasyon sa mga pasahero ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2).

Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyakin ang pagkakaroon ng komportable, maaasahan at abot-kayang mga alternatibong sasakyan para sa publiko.

Ayon kay LTFRB acting Chairman Greg Pua Jr., ang pag-isyu ng special permit ay tugon sa inisyatiba ng DOTr na palakasin ang suplay ng pampublikong transportasyon kasabay ng pagdami ng mga pasaherong gumagamit ng LRT-2, partikular sa mga pangunahing istasyon nito.

Ang LRT-2 ay isa sa pinakamabilis na transportasyon paraan para sa mga estudyante at manggagawang bumibiyahe mula at papuntang Rizal province.

“Kaisa ng LTFRB ang layunin ng pamahalaan na magbigay ng alternatibong paraan ng transportasyon para sa mga pasahero ng LRT-2, lalo na tuwing rush hours sa umaga at hapon,” ani Pua.

Dagdag niya, magsisilbing karagdagang opsyon ang mga bus para sa mga pasahero ng tren, lalo na sa mga pagkakataong mahaba ang pila at siksikan ang mga pangunahing istasyon ng LRT-2.

Hahatiin ng pantay ang 20-unit bus fleet–10 bus ang maglilingkod sa Antipolo City, Rizal–Legarda, Manila sa pamamagitan ng Marcos Highway, E. Rodriguez Sr. Avenue, at España Boulevard; at 10 bus ang bibiyahe sa rutang Antipolo City–Cubao, Quezon City sa pamamagitan ng Marcos Highway at P. Tuazon Boulevard.

Kalahati ng mga awtorisadong yunit ang ilalaan para sa bus augmentation service na nagsisimula sa LRT-2 Antipolo station sa Masinag upang makatulong sa pagluwag ng pagsisikip ng mga pasahero.

Gagamit naman ang mga nakatalagang serbisyo mula Masinag ng mga itinalagang bus stop upang matiyak ang maayos at organisadong pagsakay at pagbaba ng mga pasahero.

Sa rutang Masinag–Legarda, mapapadali ang pagbiyahe ng mga estudyante at empleyadong patungo sa Trinity University of Asia at sa mga paaralan sa University Belt kabilang ang University of Santo Tomas (UST), Far Eastern University (FEU), at University of the East (UE).

Ang rutang Masinag–Cubao ay magbibigay ng mas maginhawang koneksyon sa EDSA Busway at mga istasyon ng MRT-3, na magpapadali sa paglipat ng mga pasahero papunta sa iba pang destinasyon sa kahabaan ng EDSA.

Makikinabang din ang mga biyaherong patungo sa mga pangunahing pagamutan sa kahabaan ng E. Rodriguez Sr. Avenue, kabilang ang St. Luke’s Medical Center-Quezon City, De Los Santos Medical Center, at National Children’s Hospital.