Calendar
PNP: MAG-INGAT SA PEKENG FB ACCOUNT NI NARTATEZ
NAGBABALA noong Sabado ang Philippine National Police sa publiko na mag-ingat sa isang Facebook account na gumagamit ng pangalang ‘Jose Melencio Corpus’ at larawan ni PNP chief, General Jose Melencio C. Nartatez Jr. upang lokohin ang mga hindi naghihinalang indibidwal.
“Ang Facebook account na gumagamit ng pangalang “Jose Melencio Corpus” at larawan ng Chief,PNP ay mapanlinlang, walang pahintulot at hindi opisyal na account ng PNP o ng Office of the Chief PNP,” ayon sa pahayag ng PNP Public Information Office.Binigyang-diin ng PNP na ang anumang mga mensahe, tagubilin, kahilingan, o transaksyong isinasagawa sa pamamagitan ng nasabing account ay walang pahintulot at hindi dapat ituring na opisyal na komunikasyon ng PNP.
Mariing pinayuhan ng tagapagsalita ng PNP na si Brigadier Gen. Allen Rae F. Co ang publiko na huwag makipag-ugnayan sa account, tanggapin ang mga friend request nito, tumugon sa mga mensahe nito, o sumunod sa anumang kahilingan, lalo na kung may kinalaman sa pera, personal na impormasyon, o pabor.
“Pinapayuhan ang sinumang nakatanggap ng mga mensahe mula sa account na kumuha ng mga screenshot, mag-ingat ng ebidensya, at iulat ito sa Facebook at sa PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) upang maaksyunan nang naaangkop,” ayon sa opisyal.
Sinabi ni Brig. Gen. Co na magsasagawa ang PNP ng naaangkop na aksyon laban sa mga responsable sa hindi awtorisadong paggamit sa pangalan at larawan ni Gen. Nartatez, alinsunod sa mga umiiral na batas.
Mula nang maging hepe siya ng PNP noong Agosto 2025, nalaman ng Journal Group na ilang manloloko ang namonitor na nagpapanggap bilang ‘Gen. Nartatez’ upang magpadala ng mga text message na humihingi ng pera sa mga hindi naghihinalang opisyal ng PNP at nagsasabi sa mga biktima na magpadala ng pera sa pamamagitan ng Gcash.
May ilang opisyal na nabiktima ng panloloko.
Para sa tumpak na impormasyon at mga opisyal na anunsyo, pinaalalahanan ang publiko na umasa lamang sa mga beripikadong social media platform at opisyal na mga channel ng komunikasyon ng PNP, ayon kay Brig. Gen. Co.

