Calendar
Kaluwagan sa mga patakaran sa pagba-budget isinusulong ng mambabatas
ISINUSULONG ni Quezon Rep. Mark Enverga ang pagbibigay ng kaluwagan sa mga patakaran sa pagbabadyet upang hindi maantala ang mga proyekto ng pamahalaan dahil lamang sa mga pagkakamaling teknikal.
Nagbabala si Enverga na posibleng hindi maipatupad ang walong Farm-to-Market Road (FMR) projects kapag hindi naitama ang mga maling coordinates bago maaprubahan ang panukalang 2027 national budget.
Kapag hindi naitama ang mga naturang pagkakamali, posibleng hindi magamit ang nakalaang pondo para sa mga proyekto na dapat ay makatutulong sa mga magsasaka na mapabilis ang paghahatid ng kanilang mga produkto sa mga pamilihan.
“Ang mangyayari is it will be deemed un-implementable. So ibig sabihin, matutulog lang yung pera. Masasayang yung pera na pwedeng mapakinabangan sana ng ating mga farmers,” pahayag ni Enverga.
Binigyang-diin ng kongresista na maaari pang maitama ang mga pagkakamali dahil hindi pa tapos ang deliberasyon sa panukalang pambansang badyet para sa 2027.
Inamin ng Department of Agriculture (DA) na walo sa 1,669 FMR projects na nakapaloob sa panukalang 2027 budget ang may maling coordinates dahil sa pagkakamali sa pag-encode, partikular sa isa o dalawang numerong maling na-type.
Kinumpirma rin ni DA Assistant Secretary for Operations U-Nichols Manalo na nakapaloob na ang mga maling impormasyon sa National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng Executive branch at hindi nagmula sa mga amyendang ginawa ng Kamara.
Ipinakikita ng insidente ang pangangailangang magkaroon ng mekanismo na magbibigay-daan sa mga ahensya ng pamahalaan na maitama ang maliliit na pagkakamaling teknikal nang hindi kinakailangang ulitin ang buong proseso ng pagbabadyet.
Nilinaw niyang dapat pahintulutan lamang ang mga pagbabago kung hindi nito lubhang babaguhin ang orihinal na lokasyon o mismong uri ng proyektong iminungkahi ng kinauukulang ahensiya.
Binanggit din ng mambabatas na may katulad na usapin tungkol sa maling coordinates ng mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P17 bilyon, na naunang pinalutang ni Camarines Sur Rep. Arnie Fuentebella.
Tiniyak ng mambabatas na susubaybayan ng Kongreso ang resulta ng imbestigasyon at ang mga hakbang na ipatutupad ng DA upang maiwasan ang pag-uulit ng ganitong pagkakamali.
“Yun ang babantayan namin dito sa Kongreso, kung ano man ang magiging aksyon, kung ano ang pinatunguhan ng ganyang imbestigasyon,” ani Enverga.

