Calendar
Karamihan ng ebidensya ng prosekusyon vs VP Sara tinanggap ng impeachment court
TINANGGAP ng Senate impeachment court ang karamihan sa mga dokumentong iniharap ng House prosecution laban kay Vice President Sara Duterte sa kasong unexplained wealth.
Pero tuluyan nitong ibinasura ang mga rekord ng confidential funds mula sa binawing Article I at lahat ng rekord ng dalawang kompanyang itinuring nitong hindi konektado sa kaso.
Nakasaad ito sa 22-pahinang kautusan ni presiding officer Senador Francis “Chiz” Escudero noong Nobyembre 5 tungkol sa formal offer of documentary evidence ng prosekusyon, ayon kay impeachment court spokesperson Atty. Reginald Tongol.
Ibinasura ng korte ang pangkalahatang pagtutol ng depensa na isang “fishing expedition” ang mga dokumentong na-subpoena sa paglilitis, o hindi dapat tanggapin dahil hindi kalakip ng orihinal na impeachment complaint.
Ayon sa korte, ang articles of impeachment ang naglalatag ng kaso, at lehitimong paraan ang subpoena para makuha ang mga rekord na susubok dito.
Kabilang sa mga tinanggap ang mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng Bise Presidente, at mga rekord mula sa siyam na bangko at pitong insurance at investment firm. Bahagyang tinanggap ang mga rekord ng Securities and Exchange Commission (SEC) para sa 18 korporasyon.
Tinanggap din ang mga procurement record ng Gencorp Industries Inc. sa Davao City LGU, PhilHealth Region X at OWWA Region XI, at ang mga titulo ng lupa sa Davao City at Samal na maaaring ihambing sa mga SALN.
Tinanggap ang rekord ng mga lisensyadong baril ng mag-asawa bilang opisyal na rekord lamang. Ang mga senator-judge ang magpapasya kung patunay ito ng anumang pagkukulang sa SALN.
Tinanggap din ang mga report ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) para lamang sa Article II. Tinanggap din ang financial forensic report ni Atty. Alexander Cabrera, maliban sa mga bahaging hango sa mga ibinasurang rekord.
Ibinasura naman nang buo ang mga corporate record at forensic computation na may kinalaman sa JTC Group of Companies Philippines Inc. at Pikimong Pikimong Philippines Corp. Ayon sa korte, walang lugar sa paglilitis sa Article II ang mga binawing kaso at mga kompanyang hindi konektado rito.
Hindi rin tinanggap ang mga disallowance record ng Commission on Audit (COA) sa confidential funds. Dahil binawi with prejudice ang Article I noong Oktubre 13, hindi na ito maaaring iharap muli sa ilalim ng Article II.
Ipinatupad din ng korte ang desisyon ng Korte Suprema sa Duterte v. House of Representatives na maaari lamang ma-impeach ang isang opisyal dahil sa mga gawain sa kasalukuyang termino, na nagsimula noong Hunyo 30, 2022.
Dahil dito, magagamit lamang ang mga financial, tax, corporate, property at SALN record mula 2007 hanggang 2021 bilang “starting financial baseline.” Ipapakita lamang nito kung anong ari-arian ang mayroon na siya bago naging Bise Presidente, at hindi magagamit para akusahan siya ng hiwalay na paglabag bago 2022.
Limitado rin sa baseline ang kanyang mga income tax return mula 2017 hanggang 2021. Hindi ito maaaring gamitin para patunayan ang paglabag sa Local Government Code noong siya ay alkalde.
Nilinaw ng korte na hindi nangangahulugang totoo ang mga alegasyon o computation ng prosekusyon dahil lamang tinanggap ang mga dokumento. Ang mga senator-judge ang magpapasya sa bigat ng mga ito sa pagtatapos ng paglilitis.
“Karamihan naman doon ay in-admit at pwedeng i-consider ang ating senator judges,” ani Tongol sa panayam nitong Biyernes.
Ipinagbawal din ng korte ang pag-upload online o pamamahagi ng anumang exhibit na may protektadong bank, tax, AMLC, foreign-currency o personal data, labas sa itinakda ng kautusan nito noong Oktubre 13 at ng batas.
Pinayagan din nito ang depensa na gamitin ang mga tinanggap nang exhibit nang hindi na kailangang iharap pang muli.
Nagpasalamat umano sa korte ang isang miyembro ng prosekusyon at iginiit na kailangang ipaliwanag ng Bise Presidente ang umano’y P800 milyon hanggang P1.5 bilyong unexplained wealth.
Sa hiwalay na kautusan, ipinasya ng korte na saklaw ng sub judice ban sa ilalim ng Rule XVIII ang lahat ng articles of impeachment, binawi man o nakabinbin pa.
Inaksyunan nito ang apela ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan noong Oktubre 13, kasama ang manifestation ng Bise Presidente noong Nobyembre 4 na hindi niya wina-waive ang Rule XVIII at gusto niyang manatili ang ban.
Bawal na ang lahat ng partido, abogado at iba pang saklaw ng kautusan na magbigay ng pampublikong pahayag tungkol sa merito ng kaso o anumang usaping sakop ng articles of impeachment. May kaakibat itong parusa sa ilalim ng guidelines ng korte noong Agosto 26.
“So hindi na rin pwedeng pag-usapan sa social media o sa media or any public sphere yung laman ng Article 1, Article 3 at Article 4 at mga ebidensya doon,” paliwanag ni Tongol.
Sisimulan ng depensa ang paghaharap ng ebidensya sa Article II sa Lunes, Nobyembre 9, alas-10 ng umaga.

