DMW Si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo J. Cacdac kasama ang DMW senior officials sa press briefing ng Pebrero 16.

DMW sa OFWs: Wag papayag magtrabaho abroad gamit dati nyong OED

122 Views

NAGLABAS noong Lunes, Pebrero 16, ng babala ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga nagbabalik na domestic worker, lalo na ang mga dating nagtrabaho sa Saudi Arabia, laban sa mga ilegal na recruiter na nag-aalok ng mabilisang paglipat sa bagong employer sa Abu Dhabi at Dubai gamit ang pinekeng Overseas Employment Certificates (OECs).

“Binabalaan at nagbibigay po kami ng advisory sa ating mga domestic worker. Huwag po kayong papayag at tatanggap na dadalhin kayo o bibigyan kayo ng trabaho sa abroad na gagamitin ang dati ninyong OEC at papayag na ipeke ang employer at bansang pupuntahan para lamang makalabas kayo ng bansa. Dumaan po tayo sa tamang proseso at tutulong po kami. Hahanapan po namin kayo ng employer kung kayo man ay nahihirapang maghanap,” ayon kay Undersecretary Olalia.

Naglabas ng babala ang mga awtoridad matapos kumpirmahin ang pagkakaaresto sa umano’y ilegal na recruiter na si Gie Celleros Viterbo, kilala rin bilang “Ghie,” sa isang entrapment operation na isinagawa ng National Bureau of Investigation–Human Trafficking Division at ng Migrant Workers Protection Bureau ng DMW. Inaresto si Viterbo sa loob ng kanyang condominium sa Pasay City matapos iulat ng mga biktima na ginamit umano niya ang kanilang dating kontrata sa Saudi upang iproseso sila bilang returning workers na patungong Dubai. Nangako umano siya ng suweldo na $400 hanggang $450 kada buwan at nag-ayos ng connecting flights sa pamamagitan ng Hong Kong at Doha.

Sa isinagawang immigration screening, natuklasan ng Bureau of Immigration at ng DMW na peke ang mga dokumento, kabilang ang mga OEC, kaya’t napigilan ang pag-alis ng mga biktima.

Tiniyak ni Secretary Cacdac na magsasampa ang pamahalaan ng mga kaso laban kay Viterbo, na nahaharap sa kasong large-scale illegal recruitment at mga paglabag kaugnay ng human trafficking. Nangako rin ang gobyerno na magbibigay ng tulong at counseling sa mga biktima.

Binigyang-diin niya na nananatiling nakatuon ang administrasyon sa pagprotekta sa mga OFW sa pamamagitan ng ligtas, etikal, at legal na mga proseso ng migrasyon. Hinikayat din ng DMW ang iba pang posibleng biktima na lumantad at makipagtulungan sa mga awtoridad. Bagama’t nauunawaan ang kagustuhan ng ilan na makabalik agad sa abroad, handa umanong tumulong ang pamahalaan upang makahanap sila ng lehitimong trabaho nang hindi isinasapanganib ang kanilang kaligtasan at kinabukasan.