Calendar
DMW Sec. sa LA Labor Attache: Harapin ang alegasyon
PINARE-recall ng Department of Migrant Workers (DMW) si Labor Attaché to Los Angeles Macy Monique Maglanque sa Pilipinas para sagutin ang mga alegasyong binanggit sa privilege speech ni Senate Blue Ribbon Committee Chair Sen. Panfilo Lacson.
Binanggit ni Lacson ang umano’y kaugnayan ni Maglanque sa MBB Global Properties, isang kumpanyang sangkot sa mga kontrobersiya sa mga proyekto ng flood control.
Bagama’t walang ipinapataw na parusa sa ngayon, iginiit ng DMW ang kanilang paninindigan sa transparency at accountability alinsunod sa Executive Order No. 94 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nagsusulong ng katapatan, integridad, mabuting pamamahala at pananagutan sa serbisyo publiko.
“Ngayong araw, nag-isyu na tayo ng recall order para kay Labor Attaché Maglanque upang makauwi at personal na harapin ang imbestigasyon. Wala pa pong parusang ipinapataw, ngunit mahalaga na siya mismo ay humarap sa mga katanungan,” pahayag ni DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac.
Nilinaw ni Cacdac na ang recall ay isang hakbang na pampangasiwaan upang mabigyan si Maglanque ng pagkakataong tumugon sa mga alegasyon sa loob ng bansa.
“Haharap lamang siya sa imbestigasyon. Ito ay bahagi ng ating paninindigan para sa integridad at pananagutan sa serbisyo publiko,” dagdag pa niya.
Tiniyak ng DMW sa publiko na patuloy nitong ipatutupad ang mahigpit na mga hakbang upang mapanatili ang integridad sa hanay ng mga kawani nito at maprotektahan ang tiwala at kapakanan ng mga overseas Filipino worker (OFW).

