Lopez

DOTr chief nag-inspect, nag-commute ulit

Jun I Legaspi Sep 25, 2025
303 Views

NAG-inspect at sumakay ng mga pampublikong sasakyan si acting Transportation Secretary Giovanni Lopez mula sa Commonwealth Avenue sa Quezon City patungo sa opisina ng Department of Transportation sa San Juan City kaninang umaga.

Pagkatapos ng paglulunsad ng Inter-Agency for PUV and Commuter Safety sa Batasan sa Quezon City, naghintay ng bus si Acting Sec. Lopez kasama si DOTr Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Steve Pastor para makapunta ng GMA-Kamuning MRT.

Tulad ng ibang mga pasahero, matagal ding naghintay ng masasakyan ang dalawang opisyal.

At sa haba ng paghihintay, kinumusta ng acting transport chief ang estudyanteng si Fitz Geralde Palomar na araw-araw sinusuong ang dami ng pasahero makasakay lang ng bus patungo sa kanyang eskwelahan.

Maya-maya’y nakasakay na rin ng bus si Acting Sec. Lopez at Usec. Pastor. Bumaba sila sa Kamuning kung saan nag-inspeksyon sa MRT-3 station ang Kalihim sa pag-proseso ng mga nag-a-apply ng white beep cards na may automatic na 50% discount. Maayos at matiwasay namang inaasikaso ang mga aplikanteng estudyante. senior citizens at people with disabilities (PWDs).

Pagkatapos nito, sumakay na sila ng MRT-3 patungong Santolan-Annapolis at naglakad papuntang opisina.

Ayon sa acting transport chief, ang inilunsad na inter-agency for PUV and commuter safety ngayong araw ay bunga ng mga rekomendasyon at obserbasyon ng mga opisyal ng DOTr na nag-commute nitong mga nakalipas na araw. Ito’y para maibsan ang hirap sa pagsakay ng mga commuter lalo na pag rush hour.

“Kasama sa recommendations nila, kailangang may barriers [para sa PUVs], karagdagang deployment ng mga traffic enforcer, [maglagay ng] designated stops, additional units ng PUV. Kailangang i-check talaga na ‘yung mga binigyan namin ng prangkisa ay operational,” ani ng Kalihim.